Abante Tonite Interactive

Buhay, ibinuwis sa kalahating buwang sahod

Part 7

By
128

Nakasaad sa inilabas­ na desisyon ng CA na matibay ang naging testimonya ng testigong si Diana na isa sa mga nabiktima ng panghoholdap na isinagawa ni Buenamer at Lambada, pati na ang salaysay ng traffic enforcer na si Mendez na nakakita sa pangyayari nang habulin ni Ferrarie ang mga akusado.

Partikular na binanggit sa desisyon na nakaharap pa ni Diana ng malapitan si Buenamer sa loob ng sinasakyang FX taxi kung saan pasahero rin siya nang isagawa ang panghoholdap.

Kaugnay naman sa iginigiit ni Buenamer na hindi binigyang pansin ng mababang hukuman ang pangyayaring magpapagaan sa usapin, wala anila itong saysay dahil lahat ng elemento ng krimen kaugnay sa ginawang panghoholdap ay napatunayan ng walang kaduda-duda.

Ipinaliwanag ng CA sa pamamagitan ng pinonenteng desisyon ni Associate Justice Juan Enriquez, Jr. na ang mabigat na kasalanan ng pagnanakaw at pagpatay ay naisasagawa kapag malinaw ang hangarin ng mga akusado na isa­gawa ang pagnanakaw habang ang pagpatay ay nangyayari rin habang isinasagawa, bago at matapos ang krimen.

Dahil dito, kinatigan nina CA Associate Justices Juan Enriquez, Jr., Marlene Gonzales-Sison at Danton Bueser ang inilabas na desisyon ng Regional Trial Court Branch 33 na nagpapataw ng parusang reclusion perpetua laban kay Buenamer at tinaasan pa ang pagbabayad ng civil damages sa halagang P75,000 at P150,000 bilang moral damages.

Naging kapansin-pansin naman sa kampo ni Buenamer ang ibinabang hatol ng CA at sinabing taliwas ang mga ito sa mga ebidensiya, sa umiiral na batas at sa iba pang inilabas na kautusan ng mataas na hukuman kaugnay sa kahalintulad na usapin kaya’t nararapat lamang na muli itong suriin ng Korte Suprema

Muling iginiit ni Buenamer sa Mataas na Hukuman na wala sa posisyon ni Diana na sabihing nakilala siya na gumawa ng krimen at hindi rin alam ng mga humabol na mga traffic enforcer kung sino ang kanilang tuTUGISin nang hingan sila ng tulong ni Diana.

Sinabing muli ni Buenamer na wala siyang hangarin na patayin si Ferrarie nang suntukin niya ang biktima at mahulog sa pampasaherong jeepney hanggang magulungan kaya’t nararapat lamang na bigyang pansin ang pangyayaring magpapagaan sa usapin.

Napunta naman sa Second Division ng Korte Suprema ang apela ni Buenamer at muli ay masusing sinuri ng mga mahistrado sa pangunguna ni Associate Justice Mariano Del Castillo ang mga dokumento ng mga isinagawang paglilitis ng RTC Branch 33, pati na ang depensa ng akusado.
Maging ang ibinabang desisyon ng CA ay binusisi rin ng mga mahistrado upang matiyak na hindi magkakamali sa ipapataw na desisyon sa apela ni Buenamer.

Noong Agosto 31, 2016, naglabas ng desisyon ang Mataas na Hukuman kung saan nakasaad na ang apela ni Buenamer ay walang merito at hindi magtatagumpay lalo na’t naging wasto ang mga isinagawang paglilitis ng RTC at pagsusuri ng CA na nagpapatunay na walang kaduda-dudang nakagawa ng krimen ang akusado.