Abante Tonite Interactive

BUHAY NG TEACHER

Si Teacher Michael Gon­zales kasama ang iba pang mga guro.
4,770

Maituturing nating pinaka mahala­gang kayamanan ng bawat isa sa atin ang edukasyon, ito lamang ang tanging kayamanan na hindi ka­yang makuha ng kahit sino man.

Malaki ang kontribusyon ng mga guro sa paghubog sa ating mga kaisipan, pag-uugali, at pakikitungo sa iba, sila din ang tumatayong pang­alawang magulang ng bawat isa sa atin.

Bilang pagpupugay sa ating mga dakilang guro ngayong Labor Day ay kumapanayam ako ng guro para magkaroon tayo ng ideya at kaalaman kung ano ang buhay na mayroon at bigat ng mga sakripis­yo ng isang guro.

Kinapanayam ko si Michael Gonzales, 34-anyos, ng lungsod ng Malabon, isang public school teacher, nagtuturo siya sa ika-apat na baitang sa elementarya sa Amang Rodriguez Elementary School, actually kaklase ko siya noong high school sa Arellano University at Jose Rizal High School.

At noon pa lamang ay alam ko nang magiging isang guro ang kaibigan kong ito, hindi dahil sa sinabi niya ito sa akin kung hindi dahil sa bukod sa marunong siya sa a­ming klase ay makikita mo sa kanyang bukas siyang magbigay ng opinyon at kaalaman sa iba.

Pagkatapos na makapagtapos sa Bache­lor of Science in Element­ary Education ay agad na kumuha ng board examination si Michael at nang makapasa in one take ay agad ding nakapagturo, noon pa lamang ay naramdaman na niya ang kanyang pagmamahal sa kanyang pagtuturo ay hindi matatawaran.

Teacher Michael Gonzales
Teacher Michael Gonzales

Ayon kay Teacher Michael na kasalukuyang kumukuha ng kanyang Masteral Degree ay mula umano Kinder 1, Kinder 2, Grade 1 hanggang Grade 6 ay nahawakan na niya at naturuan.

Para sa kanya ay ang Kinder 1, Kinder 2, at Grade 1 ang pinakamahirap turuan dahil sa bubot pa ang mga kaisipan.

Kaunti na rin naman umano ang hirap sa pagtuturo sa mga nasa higher grades na tulad ng mga nasa Grade 4 hanggang sa mga graduating students, dahil kahit papaano ay may mga isip na ang mga ito.

Nalaman ko rin na isa sa mga pinakamahirap na trabaho ang pagi­ging guro dahil bukod sa kinakailangan na ma­ging modelo ka ng mga estudyante mo ay napakahabang pasensiya rin ang kinakailangan.

Boy Scout activities
Boy Scout activities

Sa loob ng isang taon ay mayroong P1,000 chalk allowance bawat public school teachers, okey na rin siguro ang halagang isang libong chalk na bibilhin sa loob ng isang taon, pero paano naman ang iba pang mga kagamitan na kinakaila­ngan ng isang guro para makapagturo ng kalidad na edukasyon sa kani-kanilang mga mag-aaral?

Doon na pumapasok paggastos ng mga guro mula sa mismong bulsa nila, mahigit isang rim na bond paper din ang kinakailangan ng mga guro sa pagtuturo sa isang taon, nariyan na ang paggastos nila sa mga pentel pen na gagamitin, manila paper at iba pang gagamit­in nila para sa visual nang mas matuto ang kanilang mga estudyante.

Naroroon pa nga ang maya’t-mayang mga pag-aarkila sa mga computer shop para sa pagri-research ng mga ituturo nila sa mga mag-aaral dahil na rin sa kakulangan ng aklat sa mga pampublikong paaralan, malaki ang maitutulong sa mga guro kung may sarili silang laptop o computers sa ganoong paraan ay hindi na nila kinakailangan pang mag-arkila sa mga computer shops na kung saan ay maging ang mga pagpi-print ng kanilang gagamitin ay sa bulsa rin nila manggagaling.

Si Teacher Michael ka­sama ang kanyang mga estudyante.
Si Teacher Michael ka­sama ang kanyang mga estudyante.

Sa sahod na depende sa ranggo, katulad halimbawa ng sa hanay ng pulisya na may PO1, PO2, hanggang pataas ay mayroon din silang tinatawag na Teacher 1 o T1 na pumapatak ng P19,000 ang sahod sa isang buwan, ang Teacher 2 o T2 naman ay nasa P20,000 at ang Teacher 3 o T3 na kagaya ni Teacher Michael ay nasa P21,000 ay malaki ang maitutulong kung mai-isyuhan sila ng kanilang mga sari­ling kagamitang mapapakinabangan na rin naman nila ng ilang taon kaysa naman sa isang oras lamang o higit pang ibi­nabayad upang makapag-arkila lang.

Kung tutuusin ang kinikita nilang kakarampot lamang na pera ay napupunta lamang sa mga ginagastos nila para sa pagtuturo, sa katunayan ay upang maging mas epek­tibo ang kanilang pagbibigay-kaalaman sa mga mag-aaral ay gumagamit din sila ng mga projector na hindi rin biro ang halaga para sa mga guro.

Nariyan pa ang may ilang mga estudyante na tila walang pakialam ang mga magulang na papasok sa paaralan nang walang laman ang tiyan, nagugutom, at wala ring baon, bilang mga pang­alawang magulang ay hindi kayang basta na lamang na tiisin ng mga guro ang kanilang mga estudyante na gutom at hindi makakasabay sa kanilang mga kamag-aral sa recess kaya’t sila na rin ang sasagot sa pang­kain ng kanilang mga estudyante.

Kung gutom nga naman at walang laman ang tiyan ng isang bata ay wala ring papasok na kaalaman sa kanyang pag-iisip, bagay na labis na nakakapagbigay ng matinding kalungkutan sa mga guro.

Sa kagaya ni Teacher Michael na isang breadwinner ay malaking sakripisyo rin sa kanya ang budget-in ang kakarampot na sahod niya.

Isa rin sa mga nakakalungkot sa pagtuturo ay kapag may mga estud­yante sila na pala-absent.

Sa mga ganitong sitwasyon ay ang mga guro na rin mismo ang kusang nagpupunta sa bahay ng kanilang estudyante upang makausap ang mga magulang ng mga ito.

May ilang mga insidente rin naman na totoo ang mga nasabing panana­kit ng mga guro sa kanilang mga estud­yante na kung tutuusin ay may seryosong kaso na ka­tapat sa ilalim ng R.A. 7610 o Special Protection Against Child in Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

At dahil din dito ay nakakakita ng pagkakataon ang ilang mga magulang upang samantalahin ito at makagawa ng pera sa pamamagitan ng pangba-blackmail sa mga guro.

Samantala ay matatandaang kailan lamang ay sinabi ng kakaupo lamang na si Pangulong Rodrigo Duterte na itataas na ang mga sahod ng mga guro at maging sa hanay ng pulisya.

Subalit napag-alaman ko mula mismo sa ilang mga pulis na hindi pa umano napapatupad ito.

Sa sarili kong pagku­kwenta sa mga ginastos ng mga guro para sa kanilang pagtuturo ay tila sumasahod lamang sila upang gastusin din para sa mga estudyante nila.

Noong una ay hindi ko pa maintindihan kung bakit nagtitiyaga si Teacher Michael sa ganoong trabaho ngunit nang tanungin ko siya kung paano niya kinakaya pa ang pagtuturo ay maluha-luha ako nang sabihin niya ang sagot niya.

Ayon sa kanya bilang guro na ang passion ay ang pagbibigay-kaalam­an sa mga estudyante ay kaligayahan umano nila ang pamamahagi ng kanilang kaalaman, kahit na kakarampot lamang ang sahod at maraming mahihirap na task ang kinakailangan gawin sa araw-araw.

So, kung iisipin talaga labor of love ang nangingibabaw sa mga guro, hindi na bale umano ang maghirap basta makatulong, mabigyan ng kaalaman, at mabigyan ng pagmamahal bilang pang­alawang magulang ang kani-kanilang nagiging mga mag-aaral ay masaya na rin umano sila noon.

Kung matutuloy ang sinasabing dagdag-sahod para sa mga guro ng gobyerno, maging ito ay dalawang libong piso o kahit isang libong piso ay malaki ang maitutulong sa mga guro.

Pahalagahan natin ang mga guro dahil hindi biro ang kanilang sinasakripis­yo at paghihirap mabigyan lamang ng maayos, kalidad, at magandang edukasyon ang mga mag-aaral.

MABUHAY ANG MGA GURO!!! Happy Labor Day!!! God Bless Us.