Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Buhay sadsad sa pandemic

0 137

Habang marami ang nagsusumikap at gumagawa ng paraan para kumita at mapakain ang pamilya ngayong pandemic, mas marami rin ang halos mawalan na ng pag-asa dahil sa kawalan ng oportunidad dulot ng epekto ng COVID crisis.

Sa katunayan, marami na po ang nagbebenta ng kanilang mga maliliit na gamit gaya ng telebisyon, plantsa, rice cooker at kahit oven toaster sa maliit na halaga para lamang maitawid ang isang araw ng kanilang pamilya.

Hindi ito masyadong napapansin ng mga maiingay na politiko pero sa mga bara-barangay ay ramdan kung gaano pinasadsad ng COVID ang buhay ng mga ordinaryo at mahihirap na pamilyamg Pilipino.

Oo nga’t may ibinigay na tulong pinansiyal ang gobyerno sa ilang milyong pinaka-mahihirap na pamilyang Pilipino, hindi naman ito pang-matagalan dahil dalawang beses lang ito sa loob ng anim na buwang lockdown.

Yung ibang pamilya isang beses lamang nakatanggap dahil ang katwiran ng mga opisyal ng gobyerno, kung nasa mababang community quarantine status na ang kanilang lugar ay hindi na bibigyan ng ayuda mula sa social amelioration program (SAP) dahil maaari ng bumalik ang mga ito sa kanilang hanapbuhay.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Pero ang masaklap nito, hindi lahat ng pinaka-mahihirap na pamilya ay nasayaran ng ayudang ipinamigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mayroong mga nalagpasan na hindi naman binalikan para mabigyan ng ayuda.

Ang iba naman na umasa sa second tranche ng SAP ay ipinangutan na ito pero sa bandang huli ay wala na palang matatanggap na tulong pinansiyal sa DSWD kaya nabaon sa utang ang mga ito.

Kung titingnan ang mga reklamo ngayon sa ilang mga barangay sa Metro Manila, hindi mabibigat na kaso ang nakasampa o naka-record kundi karamihan ay reklamo ng hindi nakabayad ng utang.

Pero kahit pigain man ang mga ito ay walang magagawa ang nagreklamo dahil kahit lumuha pa ng dugo dahil walang-wala ang mga sinisingil.

Nagawa na ng national government ang magagawa para matulungan ang mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino, baka naman gustong kumilos ang mga iba pang opisyal, lalo na yaong mga mambabatas para matulungan sa krisis ang kanilang constituents.

May pera naman ang mga ito para sa kani-kanilang distrito, baka naman puwedeng maglaan ng konting tulong para kahit papaano ay matulungan ang mga higit na nangangailangan sa kanilang mga lugar ngayong panahon ng pandemic.Bakasakali lang naman, baka lang nga… Sana nga!

Leave A Reply

Your email address will not be published.