Abante Tonite Interactive

Build, Build, Build project maantala sa Covid crisis

420

Bahagyang maaantala ang ilang proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program ng pamahalaan dahil sa epektong dulot ng coronavirus disease 2019 sa bansa.

Sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar sa Laging Handa briefing na may kaunting epekto sa mga nakalinyang proyekto ang COVID-19 dahil hindi makapagtrabaho ang mga tao.

Kailangan aniyang sumunod sa enhanced community quarantine dahil mas mahirap kapag nahawa ang mga trabahador sa bagsik ng COVID-19.

“Siyempre may kaunting effect, dahil obviously hindi kami makakapagtrabaho, pero kaunti lang siguro,” ani Villar.

Pero sa kabila ng pagkaantala, sinabi ng kalihim na maaari pa namang habulin ang mga natenggang proyekto pagkatapos ng problema sa COVID-19.

Sinabi ni Villar na kung noong nakalipas na taon ay nagawa nilang makapagsimula kahit maraming naging balakid dahil sa eleksiyon at sa naantalang national budget, tiyak aniyang magtutuloy -tuloy na ang mga protekto sa sandaling ma-lift na ang ECQ sa buong Luzon.

“At least this year, nakapagsimula na kami, at tuloy-tuloy naman po at sa tingin ko naman ay kaya naming habulin ang target implementation namin,” dagdag ni Villar.

Pipilitin aniya nilang makuha ang target nila sa mga proyekto dahil on track naman ang DPWH katulad ng nangyari noong nakalipas na taon.(Aileen Taliping)

Tonite – Wendys Inhouse Ad