Abante Tonite Interactive

Building sa Olongapo nasunog, mag-anak patay

204

Patay ang tatlong miyembro ng isang pamilya matapos ang naganap na sunog sa apat na palapag na gusali sa West Bajac Bajac, Olongapo City kahapon ng madaling-araw.

Sa inisyal na ulat ng Olongapo City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa isang auto parts shop sa ibaba ng gusali pasado alas-singko ng madaling-araw sa #2733 Rizal Avenue, West Bajac-Bajac ng nabatid na lungsod.

Napag-alaman na ang gusali ay pag-aari ng isang Nida Cureg kung saan ito pinauupahan.

Mabilis ang pagkalat ng apoy kaya agad na inakyat sa ikalawang alarma ang sunog at naideklarang fire out alas-osto ng umaga.

Kinilala ang nasawing biktima na sina Ricardo Panganiban, 27; asawang si Marrian, 25, at anak nilang si Aira, 2-anyos.

Ayon kay Chief Insp. Arvin Christian Santos, ng BFP Olongapo City at ground commander, nadiskubre ang mga wala ng buhay na biktima nang pasukin na ang mga kuwarto na natupok ng sunog.

Sa ngayon ay inaalam pa kung ano ang pinagmulan ng sunog ganun din kung magkano ang halagang napinsala dito. (Edwin Balasa)