Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bukas ang pintuan ng Maynila, residente man o hindi

0 75

Gaya rin ng dami ng bilang ng mga bakuna na naiturok na sa kabisera ng bansa na umabot na ng 2,029,953 nitong September 2, 2021, ang bilang ng mga nagparehistro sa mass vaccination sa Maynila ay pumalo na din sa 2,184,863 milyong katao sa parehong petsa.

Sa kabila niyan, kami ni Vice Mayor Honey Lacuna ay patuloy na humihikayat sa mga hindi pa nakarehistro na magparehistro na sa www.manilacovid19vaccine.ph. Hindi mahalaga kung kayo ay taga-Maynila o hindi, dahil matagal nang binuksan ng pamahalaang-lungsod para sa lahat ang ating mass vaccination program.

Ang aming online pre-registration system ay inilunsad namin bisperas ng Bagong Taon bilang regalo sa mga taga-Maynila.

Nitong hanggang September 2, ang kabuuang bilang ng mga pre-registered na indibidwal ay pumalo na sa mahigit dalawang milyon gaya ng bilang ng bakuna na naiturok na, kung saan ang mga fully vaccinated ay umabot naman sa 799,091.

Sa aming tantya, nasa 100,000 indibidwal na nabakunahan sa ilalim ng mass vaccination program na pinamamahalaan nina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan at ng kanyang assistant chief na si Dr. Ed Santos ay pawang mga hindi taga-Maynila.

Ang lungsod ay may ‘daytime population’ na humigit-kumulang sa tatlong milyon at dahil diyan, inisip namin na ang mga pumapasok at lumalabas ng lungsod para mag-negosyo o mag-trabaho ay dapat na protektado sa pamamagitan ng bakuna.

Maaring mahawan namin sila o di kaya ay sila ang makahawa sa amin kaya mahalang mabakunahan din sila. Sa ganitong paraan, protektado sila sa virus kapag nagtutungo sa Maynila, sa parehong paraan na protektado din ang mga taga-lungsod kapag nakikipag-ugnayan sila sa mga taga-labas ng Maynila.

Matapos na kami ni Vice Mayor Honey Lacuna ay maimpeksyon ng COVID-19, mas umigting pa ang aming pagnanais na makapagbakuna nang mas marami. Delta variant ang tumama kay Vice Mayor Honey at sa totoo lang, hanggang ngayon ay may mga iniinda pa kaming epekto ng COVID-19.

Hindi lamang kami nakakaramdam ng hapo paminsan-minsan kundi maging ang aming panlasa ay hindi pa rin bumabalik nang todo. May mga nagsabi na talagang hindi kaagad nawawala ang mga ganitong pakiramdam kapag ikaw ay dinapuan ng coronavirus.

Inisip ko bata ako kaya okay lang pero hindi. Talagang itinumba ako ng sakit na ito at nahirapan ang aking katawan. Di ko ma-imagine kung ano pa kaya ang maaring inabot ko kung ako ay hindi bakunado.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Salamat sa Diyos, ako at si Vice Mayor Lacuna ay kapwa kumpleto na sa bakuna kung hindi, malamang ay hindi naging mabilis ang aming paggaling o do kaya ay malamang na mas malala pang mga sintomas ang aming naramdaman.

Ilang linggo na ngayon ay naabot na ng pamahalaang-lungsod ang tinatawag na “population protection” batay sa mga pigura ng residente na kwalipikado para sa bakuna, na 18 anyos pataas.

Ito ay kung pagbabatayan ang record nung August 30 kung saan ang kabuuang bilang ng bakunang naiturok sa Maynila ay umabot na ng 1,981,864 at kung saan 767,492 ang fully vaccinated.

Ang target population para sa vaccination ayon sa Commission on Elections (COMELEC) figures ay 1,065,149 batay sa voting population ng Maynila habang sa record naman ng Department of Health (DOH), ito ay 1,351,487.

Halos lahat sa Maynila ay kumpleto na ang bakuna at ngayon ay amin na ding binuksan ang aming mga health centers para sa mass vaccination upang ilapit ang mga bakuna sa tao , lalo na sa mga di pa nakakakuha ng kanilang first dose.

Nagbigay ako ng direktiba sa lahat ng direktor ng mga pagamutang pinatatakbo ng pamahalaan- lokal upang yakapin ang lahat, kahit saan pa ito nakatira. Iniatas kong dapat na pagsilbihan taga-Maynila man o hindi, gaya ng aking atas na isama na ang hindi mga taga-Maynila sa mass vaccination program ng lungsod noong araw pa.

Lahat ng mga direktor ay akin ding pinagbilinan na bigyan ng mga mamahaling gamot para sa severe o kritikal na kaso ng COVID-19 ang mga pasyente, ke residente sila ng lungsod o hindi.

Ang mga gamot na tinutukoy ko ay ang mga mamahalin at mahirap na hanaping ‘life-saving drugs’ na kinabibilangan ng Remdesivir at Tocilizumab, na pawang binili ng pamahalaang-lokal dahil ito ay nakapagliligtas ng buhay ng mga may malala o kritikal na kaso ng COVID.

Sa pagbubukas ng pintuan para sa mga hindi taga-Maynila ay batay sa aming polisiya na ‘inclusivity’ o pagyakap sa lahat. Gaya ng aking palagiang sinasabi, ang pandemya ay isang “universal problem which should be addressed inclusively”. Ang COVID-19 ay di nakakakilala ng boundary. ***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.