Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Bukulan’ sa BI kinanta

0 866

Ni Nancy Carvajal

Dalawang Bureau of Immigration (BI) officer ang kinasuhan dahil sa pamemeke ng travel record upang iligaw ang mga naghahanap sa dating Wirecard executive for Asia na si Jan Marsalek, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

“The entries on the BI records for June 23 and 24, 2020 were spurious, appeared to be mere diversionary in order to divert the authorities in Europe to focus its attention to the Philippines,” sabi ng NBI.

Nirekomenda ng NBI-International Airport Division na pinamumunuan ni Palmer Mallari ang pagsasampa ng kaso laban kina IO Perry Michael Q. Pancho, nakabase sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) at Marcus S. Nicodemus na nakabase naman sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Kinasuhan ang dalawa ng falsification of public documents at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials sa Office of the Prosecutor ng Department of Justice noong Agosto 7.

Hindi naman isinama sa kaso si IO Darren Ilagan na siyang nag-encode ng fake arrival ni Marsalek noong June 23.

Sinabi ni Ilagan na biktima siya ng “pabukol scheme” sa BI kung saan ang ilan sa kanyang mga kasamahan at matataas na opisyal ay humihingi ng mga pabor na para sa kanilang personal na interes at kapakinabangan.

Sa kanyang affidavit na sinumite sa NBI, sinabi ni Ilagan na patapos na ang duty niya ng araw na iyon nang utusan siyang i-check ang record ni Marsalek ng kanyang supervisor na si Nicodemus.

Tinangka rin umano niyang itama at i-encode ang “cancelled by user” nang mapagtanto niyang may mali doon.

Nagawa umanong imanipula ng mga akusado ang pekeng travel records ni Marsalek sa BI database matapos ang alisin ang ilang protocol laban sa paglaganap ng COVID-19, ayon sa NBI report.

Noong April 24, 2020 inalis ng BI Management Information Systems Department (MISD) ang mga protocol nito para sa live scanning ng fingerprint para sa mga paparating at paalis na pasahero para mapigilan ang pagkalat ng virus.

June 21, nag-deactivate din ang MISD ng kanilang facial capture protocol sa halip ay inasa na lamang sa physical scanning ang mga pahina ng passport.

“Thus arriving and departing passengers will have the data page of their passports scanned in the system, but not their fingerprints and facial captures,” sabi ng NBI.

Ayon pa sa NBI report, wala nang iba pang indikasyon na dumating si Marsalek sa bansa noong June.

Nakita umano sa CCTV footage at flight manifest na umalis si Marsalek sa Pilipinas noong March 5, 2020 sakay ng Qatar Airways.

Nagtatago umano si Marsalek matapos masangkot sa Wirecard accounting scam. Ang naturang kompanya na nakabase sa Germany ay isa sa pinakamalaking payment solution firm sa Europe bago pa ito bumagsak dahil umano sa nawawalang $2.1 bilyong pondo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.