Abante Tonite Interactive

Bulabog ni Reavis kailangan ng Magnolia

362

Bukod sa pinakamahabang galamay, si Rafi Reavis na rin ang pinaka-senior sa Magnolia Pambansang Manok.

Mula sa dating MBA (Metropolitan Basketball Association), kinuha ng Coca-Cola Tigers ang Fil-Am bilang second pick overall noong 2002.

Makalipas ang 17 taon, nasa PBA pa rin siya, may 11 titulo nang koleksiyon. Higit sa lahat, nakikipagsabayan pa rin sa mga mas bata sa kanya.

Hindi nga lang nakakainggit ang tinoka ni coach Chito Victolero na trabaho ng 41-anyos na center/forward.

Sa anim na laro sa Philippine Cup Finals, nakipagbanggaan siya kay San Miguel Beer center June Mar Fajardo na 6-10 lang naman, may katawan din.

Isang laro pa ang bubunuin ni Reavis para pigilin ang five-time MVP. Lahat ng lakas niya, ibubuhos na sa deciding Game 7 mamaya sa Smart Araneta Coliseum.

Hindi nagpapakita ng pagod si Reavis, kahit pa pangalawang Game 7 na ito ng Hotshots sa playoffs – nasagad din ang semifinals series nila ng Rain or Shine.

“We’re ready, we’re happy,” ani Reavis pagkatapos ng Game 6 noong Linggo na tinagay ng Beermen 98-86 para ibuhol ang series sa 3-3.

Habang binubulabog si Fajardo, nagawa pang mag-ambag ni Reavis ng 13 points at 5 rebounds noong huli. (VE)
(Vladi Eduarte)