Abante Tonite Interactive

Bulacan Medical Center nagtayo ng quarantine

422

Itinalaga ng pamahalaang panlalawigan ang bagong gawang extension building ng Bulacan Medical Center (BMC) bilang centralized quarantine facility.

Sa sukat na 5,800 metro kwadrado, ang tatlong palapag na gusali na malapit sa Bulacan provincial capitol building ay kayang tumanggap ng 250 na mga pasyente.

Ayon kay Dr. Protacio Bajao, pinuno ng BMC, ang centralized quarantine facility ay magsisimulang tumanggap ng mga pasyente depende kung kailan darating ang mga suplay at kagamitang medikal.

“Nakadepende po sa pagdating ng mga gamit at supplies na gagamitin ang pagbubukas nitong ating centralized quarantine facility. Sa oras po na magsimula na itong mag-operate, wala pong bayad ang mga PUI na dadalhin doon,” ani Bajao.

Iminungkahi naman ni Bulacan Gov. Daniel Fernando na mas makabubuti kung ang mga PUI at mga persons under monitoring (PUM) ay mapagsasama-sama sa isang quarantine facility upang makaiwas sa posibleng pagkalat ng virus sa bawat miyembro ng pamilya at pinaalalahanan ang mga Bulakenyo na sumunod sa protocol.

“Sa ganitong paraan, mapapababa po natin ang bilang ng mga nagkakaroon ng COVID-19. Sa ngayon, sumunod po muna tayo sa mga protocol,” ani Fernando.

Paalala rin ng Provincial Health Office sa mga Bulakenyo na manatili sa kanilang tahanan, dalasan ang paghuhugas ng kamay, sundin ang physical distancing at umiwas sa mga matataong lugar. (Jun Borlongan)

Tonite – Wendys Inhouse Ad