Abante Tonite Interactive

Bulacan,Caloocan serial rapist timbog

By
1,849

Balik-kulungan ang isang 43-anyos na binatang pugante mula sa Caloocan City Jail na akusado sa mga kaso ng panggagahasa at iba pang asunto matapos na maaresto ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) sa Villa­mor Air Base, Pasay City kahapon nang umaga.

Iniharap sa media kahapon nina National Capital Region Police Office director Chief Supt. Guillermo Eleazar at SPD acting director Sr. Supt. Eliseo Cruz ang suspek na si Albert Boil alyas ‘Daniel Mercado Morrs’.

Bandang alas-9:30 nang umaga nang mahuli si Boil sa 19th Street corner 4th Street, Barangay 183 sa Villa­mor Air Base sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Caloocan City Regio­nal Trial Court Branch 128 Judge Eleonor Kwong para sa mga kasong 2 counts of robbery holdup with homicide, illegal possession of firearms at carnapping.

Nabatid na unang ina­resto si Boil noong Disyembre 2014 dahil sa mga nabanggit na asunto pero nakapagpiyansa ito ng P300,000 para sa kasong carnapping.

Noong Abril 2018 ay nag-isyu din ang korte ng arrest order laban sa kanya dahil naman sa mga kasong forcible abduction with rape kung saan tatlo dito ay isinampa sa San Jose Del Monte, Bulacan at anim sa Caloocan City bukod pa sa mga kasong attempted rape, frustrated homicide at carnapping.

Nakatakas si Boil noong Pebrero 11, 2018 bandang alas-3:25 nang madaling-araw matapos sirain ang kisame ng kanyang isolation cell at dumaan sa perimeter wall ng Buil­ding 1 ng Caloocan City Jail.