Abante Tonite Interactive

Bulagaan sa Senado

By
724

Wala na raw munang Eat Bulaga para kay Se­nate Presidente Vicente “Tito” Sotto III pero nagsimula na siya ng pambubulaga sa Senado.

Pinaninindigan kasi ng bagong lider ng Senado ang pagsisimula ng kanilang sesyon sa eksaktong oras na kanilang dapat simulan ang kanilang trabaho – alas-tres nang hapon. Katwiran kasi ni Sotto kapag maaga sila nagsimula ng sesyon ay marami silang matatapos na trabaho lalo pa’t ngayon ay iilang araw na lang ang nalalabi sa kanila at muling magbe-break ang Kongreso.

Magandang panimula ito dahil magdidisiplina ito sa mga miyembro mismo ng Senado upang maging on time sa kanilang business. Pero sana hindi lamang ito sa simula.
Dedma na rin si Sotto sa mga banat sa kanya lalo na sa social media partikular ang mga taong akala mo raw ay mga perpekto na hindi naman maka-move on sa kanyang pagiging ­komedyante.

Natabunan nga raw ng Eat Bulaga at Escalera brothers ang kanyang mahigit 160 batas na ginawa katulad ng Family Code of the Philippines, Anti-Drug Abuse Law, Seatbelt Law, at kung ano-ano pa. (Asa ka pa ba SP sa mapanghusgang madla na ang laging nakikita ay ang maling nagagawa at nakakalimutan ang mga tamang ginawa!).

Ang kagandahan ngayon, mismong ang lider ng Senado ang nagsabi na hindi paapekto sa mga banat at kritisismo laban sa kanya at magpopokus sa kanyang trabaho. Kaya abangan na lamang natin ang kanyang pagtupad sa bagong tungkulin.

Pero wag din nating kalimutang saluduhan si dating Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na gumabay sa Senado sa loob ng 22 buwan. Sa kanyang panahon wala naman tayong nabalitaang hindi maganda sa kanyang pamumuno.

Sabi nga ng iba, masyado nga raw naging mabait si Senador Pimentel pero ang punto nga raw dun ang dating lider ay “man of few words”. Kumbaga, bawas ingay, trabaho lang!

Kasabay ng pagpasok ni Sotto bilang lider ng Senado ay ang paghalal din kay Senador Migz Zubiri bilang Senate Majority Leader na dati naman na nitong hinawakan.
Makikita sa mga ­unang araw ng pa­nunungkulan ay nanibago din si Zubiri at madalas ay ginagabayan o ipinapaalala pa ni Sotto na dating majority leader ang dapat nitong sabihin o gawin.

Nakakatuwa man silang panoorin dahil minsan aakalain mong si Sotto pa rin ang Majority Leader pero bandang huli ay makikita mong maayos naman silang nagtatrabaho.
Sa mga bashers, ha­yaan muna natin silang magtrabaho at kapag sa kalagitnaan ng kanilang liderato ay may nakitang mali saka na lamang punahin upang agad itong maitama.

Goodluck SP Sotto at Majo Migz!