Abante Tonite Interactive

BULTU-BULTONG DROGA SA CONDO

116

Tinatayang aabot sa halagang P2 milyon ang bultu-bultong shabu, party drugs at pinatuyong marijuana na nakumpiska sa isinagawang pagsa­lakay ng mga alagad ng batas sa isang condominium na pag-aari umano ng babaeng big-time drug pus­her sa lungsod ng Makati kamakalawa ng gabi.

Sa isinumiteng report ni Supt. Jenny Tecson, hepe ng Public Information Office, Southern Police District (PIO,SPD) dakong alas-10:30 kamaka­lawa ng gabi nang isagawa ang raid ng naturang ope­ratiba sa pamumuno ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Region 4 Director Archie Grande sa Unit 841 To­wer D, Jazz Residences, na matatagpuan sa panulukan ng Jupiter at Nicanor Garcia Sts. (dating Reposo St.), Brgy. Bel Air, Makati City, na pag-aari ng suspek na si Joanne Cuachon, nasa hustong gulang.

Isinagawa ang raid ng tauhan ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Region 4 at Station Drug Enforcement Unit (SDEU), Police Community Precinct (PCP)-6 ng Makati City Police base sa Search Warrant No 17-032 para sa paglabag ng Article II, Section  11, ng Republic Act 9165 na inisyu ni Makati City Regio­nal Trial Court (RTC) Exe­cutive Judge Elmo M. Alameda ng Branch 150.

Una nang nadakip si Cuachon noong Biyernes (Hulyo 21 ng taong kasalukuyan) ng PDEA Region 4 dahil sa kaso sa droga.

Nabatid na nang pasukin ng mga awtoridad ang unit ni Cuachon, tumambad sa kanila ang amoy ng droga.

Sa kanilang pagha­lughog, na-recover ang malaking plastic transpa­rent sachet na naglalaman ng crystaline substance na hinihinalang shabu; 1 ma­laking plastic transparent sachet na naglalaman ng kulay berdeng mga tabletas, na hinihinalang ecstasy; pinatuyong dahon ng marijuana, plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang Cocaine, na umaabot sa P2 milyon ang kabuuang halaga nito; drug paraphernalia; mga bank account; tseke at mga listahan.

Ayon kay Grande, nagsagawa ng inventory ang mga awtoridad sa harapan ng mga opis­yal ng barangay at ilang mamamahayag.

Sinabi pa ni Grande, itinuturing nilang isang big-time drug pusher si Cuachon at posibleng ginagawang ‘drug den’ ng kanyang mga parokyano ang condo unit nito.

Dahil dito patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing raid.

Kasalukuyang nakakulong sa nasabing himpilan ng pulisya si Cuanchon at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.