Abante Tonite Interactive

Bumabahang pagsasamantala

325

Umiinit ang isyung pinaputok ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kuwestiyonableng kontrata ng dalawang water concessionaires sa gobyerno na natuklasang nagsamantala ng ilang taon sa mga Pilipino.

Bagamat sa mga ­unang araw ay tila ma­lamig ang mga mambabatas sa kontrata ng Maynilad at Manila Wa­ter, tila nahimasmasan ang mga ito ka­ya nag-iimbestiga na para busisiin ang kontratang pumabor lamang sa dalawang malalaking kumpanya.

Batay sa paglalahad ni Pangulong Rodrigo Duterte, pinagkakitaan ng husto ng mga may-ari ng Maynilad at Manila Water ang mga customers nila at hindi makaangal ang mga ito kung gusto nilang magtaas ng singil sa konsumo sa tubig.

Kapag humadlang ang gobyerno sa kagustuhan ng dalawang kumpanya, kaso ang itatapat at magmumulta ng bilyon-bilyong piso na nagawa na nila batay sa inilabas na ­desisyon ng arbitral court sa Singapore.

Binubusisi na ­ngayon ng mga mambabatas kung sino ang mga abugadong nagba­langkas at gumawa sa kontratang paborable lamang sa dalawang kumpanya habang ang mga Pilipino ay walang magawa at ­hindi ­ma­kapagreklamo sa animo ay mala-lintang pagsipsip sa kanilang dugo.

Seryoso ang galit ng Presidente sa mga may-ari ng kumpanya dahil sa aniya ay pang-aabuso sa mga Pilipino kaya nagbitiw ito ng salita na hindi niya titigilan ang mga ito hanggat hindi nakakasuhan at naipakukulong.

Nais ipakita ng ­Pre­si­dente sa mga ­Pilipino na mayroong ma­kulong na mga ­bilyonaryo dahil sa kasakiman at pagsasamantala sa taongbayan.

Ikinatuwa naman ito ng publiko dahil nga­yon lamang mayroong tumindig at nagsalita para sa kapakanan nila at bumangga sa da­lawang malalaking kumpanya sa bansa.

Naghihintay ang taongbayan sa magiging aksiyon ng gobyerno at mga senador at kongresista kung ano ang magiging kahihina­tnan nang nabunyag na kuwestiyonableng kontrata ,at umaasang mayroong mapapanagot sa ginawang ­pagsasamantala .

Nasa kamay ng De­­partment of Justice (DOJ) ang ika­tatagumpay o kabiguan sa paghahabol sa Maynilad at Manila Water kaugnay sa gagawing pagbusisi sa concessionaire’s agreement, pati na ang pagpanagot sa mga dating abugado na tila nakipagsabwatan para maging paborable lang kontrata sa dalawang kumpanya.

Sa pananaw ng simpleng Pilipino, ang interes ng mga mayayaman ang umiral at hindi ang kapakanan ng mga mahihirap na Pilipino na ginawang gatasan sa operasyon ng water distribution sa bansa.

Kung naitago man ng ilang panahon ang kuwestiyonableng kontrata, ito ay sa dahilang walang nangahas at naglakas-loob na bumangga sa mga oligarko dahil aminin man o hindi, ang ilan sa mga dating tumulong para mabuo ang kontrata ay mga pulitiko na ngayon, at posibleng natulungan pa noong panahon ng kampanya kaya kailangang tumanaw ng utang na loob.

Ganito ang laro ng mga mayayaman sa bansa. Mamuhuna para hindi maperwisyo at mapinsala ang negosyong nag-aakyat ng yaman sa kanila.

Pero gaya ng kasa­bihan, walang lihim na hindi nabubunyag kaya naman ang usap-usapan, nanginginig na ang mga opisyal ng mga nabanggit na kumpanya dahil hindi aalam kung ano ang aasahan sa ipinakitang galit ng Presidente.