Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bumabalik ang tiwala ng publiko sa PNP

0 103

Nanunumbalik ang tiwala ng taumbayan sa Philippine National Police. Ipinakita ito ng resulta ng isang survey kung saan tumataas ang trust rating ng kapulisan.

Ang naturang survey ay isinagawa ng independent pollster na PUBLiCUS Asia Inc. noong Oktubre 11 hanggang 18 kung saan naitala ang limang puntos na pagtaas sa total high trust (35.200) at 8 puntos namang pagbaba sa total low trust (26.800). Ayon sa PUBLiCUS, ipinakita ng mga resultang ito na nag-improve ang trust ratings ng PNP sa dalawang magkasunod na quarter.

Tuwang-tuwa naman ang buong kapulisan lalo na si PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na naniniwalaa na ang positibong kaganapang ito ay ibinunga ng pagsisikap at pagsasakripisyo ng lahat ng pulis para iangat ang integridad ng organisasyon.

“Ito naman ay bunga ng aming pagkakaisa at pagtutulungan upang patuloy na maibalik ang tiwala at respeto ng ating mga kababayan sa kanilang Pambansang Pulisya sa pamamagitan ng agresibong reporma na nag-uumpisa sa kalinisan ng bawat police stations na siyang aming frontline services para sa ating mga kababayan at ang aming mabilis na aksyon sa mga reklamo at paghingi ng tulong ng ating mga kababayan, kabilang ang kampanya sa paglilinis ng aming hanay,” pahayag ni PGen Eleazar.

Umaapela rin si PGen Eleazar sa lahat ng kapulisan na isantabi na ang kanilang mga personal na interes  at gawing prayoridad ang kapakanan ng taumbayan dahil ito ang tunay na kahulungan ng pagseserbisyo sa bayan. “Ang tiwala at respeto ng ating mga kababayan ang siyang tunay na sukatan kung maayos nga natin na nagagawa ang ating mandato bilang mga pulis, at kung nasa tamang landas ba kami ng pagsisilbi sa sambayanang Pilipino bilang mga lingkod bayan,” aniya.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Para sa amin, mismong ang ating PNP chief ang dahilan kaya nanunumbalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan. Magandang halimbawa ng pagiging lider ang ipinapakita ni PGen Eleazar at hindi lamang ang tiwala ng publiko ang kanyang nakukuha kundi ang tiwala ng mga miyembro ng PNP. Para sa amin, ito ang pinakamahalagang salik para malinis ang organisasyon. Sabi nga ni Eleazar, ang lahat ay bunga ng pagsisikap ng bawat pulis. Hindi magsusumikap ang isang pulis kung wala naman siyang nakikitang pag-asa sa kanyang lider.

Sa ilalim ng liderato ni Eleazar, kahit maliliit na positibong nagagawa ng isang pulis kahit pa nga sa kalayu-layuang lugar sa bansa ay binibigyang pagkilala at pinupuri ng kanilang pinakamataas na pinuno. Andyan ang mga honest cops na nagsosoli ng mga napupulot na  pera, andyan din ang mga pulis na tumutulong para dalhin sa ospital ang mga maysakit, ang pagdamay at literal na pagpapaanak, at iba pang uri ng mga pagtulong sa komunidad. Sa pamamagitan nito’y nailalapit ng mga pulis ang kanilang sarili sa mismong bayan na kanilang pinaglilingkuran.

At bahagi rin ng pagiging mabuti lider ni PGen Eleazar ay ang kamay na bakal kapag may mga pulis na gumagawa ng masama. Kung ang mga mababait at matitinong pulis ay ipinagmamalaki ni PGen Eleazar, ang mga gagong pulis ay agad niyang dinidisiplina at kung sagad ang kasamaan ay agad niyang sinisibak.

Sa ipinapakitang ito ni PGen Eleazar, kuhang-kuha niya ang tiwala, suporta at pagmamahal ng ating mga pulis. At dahil ayaw nilang maging pabigat sa kanilang pinaka-tatay sa organisasyon, nagpapakabuti sila sa pagseserbisyo sa bayan. At hindi maiiwasang mapansin ito ng taumbayan.  Nakikita nila ang pagbabago at kung magpapatuloy ito, baka isang araw tuluyan nang mabura ang masamang imaheng idinulot ng nakaraan sa ating kapulisan. 

“Makakaasa ang publiko na magpapatuloy ang kapulisan, hindi lamang sa paniniguro ng kaayusan sa paligid, kung hindi pati na rin sa pagtulong sa ating mga kababayang nangangailangan,” pangako pa ni PGen Eleazar. At kapag ang mamang ito ang nangako, alam nating hindi ito mapapako!

Leave A Reply

Your email address will not be published.