Abante Tonite Interactive

Bumangon sa kabaong si Lolo

508

Dear Dream Catcher,
Isasangguni ko lang po kung anong ibig sabihin ng panaginip ng dalawa kong pamangkin. Bale po ang Dad ko na lolo nila ay kamamatay lang nu’ng May 24 at nilibing nitong June 1.

Napanaginipan daw ng isa kong pamangkin na bumangon sa kabaong ang lolo nila. Then ‘yung isa, ganun din daw po panaginip na bumangon si Dad sa kabaong at kinausap naman daw po ‘yung nanay namin.

Ang weird lang po kasi same sila ng panaginip at in same week lang din. Ano po kaya ibig sabihin nun? Liezel

Dear Liezel,
Ang napanaginip ng iyong mga pamangkin na pagbangon ng kanilang lolo (iyong ama) sa kabaong ay normal na bahagi ng “grieving process.”

Maaring nahihirapan pa silang tanggapin na wala na ang kanilang lolo kaya naman nang mapanaginip nila ang pagkamatay nito, pareho nilang nakitang bumangon sa kabaong ang kanilang lolo. Ipinapakita lamang nito na lumalaban pa ang kanilang kalooban sa pagkamatay ng kanilang lolo.

Related Posts

Sa kanilang kalooban ay gusto nilang mabuhay pa ang kanilang lolo kaya naman nakita nilang bumangon ito sa kabaong at sa isang pamangkin mo ay nakita pa nitong nakipag-usap si lolo sa kanilang lola.

Ang panaginip tungkol sa kabaong ay sumisimbolo rin sa acceptance sa nangyaring pagkawala. Unti-unti natatanggap na nila na namatay na ang kanilang lolo pero meron pa ring natitirang pagkontra sa kanilang isip na sana’y hindi ito nangyari.

May mga pagkakataong sinasabing nagkakaroon ng tunay na visitation dreams kung saan may mensaheng ipinararating ang yumao. Pero sa panaginip ng iyong pamangkin, wala ang mga elemento na ito’y puwedeng visitation dream. Sa halip ay bahagi lamang ng pangungulila.

Sa kabuuan, pinakamainam pa rin ang pagpapadama ng buong suporta sa bawat nangungulilang miyembro ng pamilya.
Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.