Abante Tonite Interactive

Bumirit sa videoke barbero sinakyod

By
12

Sugatan ang isang barbero nang saksakin ng lalaki na nagalit matapos humanga ang kasama nitong babae sa boses ng una, habang kumakanta sa videoke bar sa Valenzuela City, kamakalawa ng madaling-araw.

Ginagamot sa Valenzuela City Medical Center si Rolando Tagaan, 40, ng M. H. Del Pilar, Brgy. Malanday ng nabanggit na lungsod, dahil sa tinamong saksak sa dibdib.

Sa follow-up investigation ni SPO1 Roberto Santillan, natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na si Dhavin Daya­mon, nasa hustong gulang, naninirahan sa No. 25 Road 1, Marcelo St., Brgy. Malanday, Valenzuela City.

Sa salaysay ng biktima, bandang ala-1:30 ng madaling-araw, pumasok ito sa isang videoke bar sa panulukan ng M. H. Del Pilar at Marcelo St., para uminom at kumanta.

Dumating ang suspek na may kasamang babae at naupo sa tabi ng isang alyas ‘Kojak’ at uminom din.

Kumanta umano ng ‘Here I Am’ na awit ng Air Supply si Tagaan, at dahil sa ganda ng boses ay napasigaw ang kasamang babae ng suspek na “Ikaw ang gusto kong ka-duet.”

“Napansin ko na masama ang tingin sa akin ni Dhavin kaya lumabas na ako ng videoke bar,” ani Tagaan.

Lingid sa kaalaman ng biktima sinundan siya sa labas ng suspek saka tinarakan ng gunting sa dibdib.

Pinaghahanap na ng mga pulis ang tumakas na suspek na nahaharap sa kasong attempted murder.