Abante Tonite Interactive

Bunso pinatay sa lamay ni inay

606

Patay ang isang 45-anyos na lalaki matapos saksakin ng kanyang nakatatandang kapatid sa harap mismo ng burol ng kanilang ina sa Barangay Embacadero, Mangaldan, Pangasinan noong Martes nang gabi.

Ang biktima ay si Noli Fria­neza, may-asawa, tricycle driver. Ang suspek naman ay si Manuel Frianeza, 52, may asawa, security guard, at magka-barangay.

Sa imbestigasyon ng Mangaldan Municipal Police Station (MMPS), parehong lasing ang magkapatid na nagtatalo sa harap ng burol ng kanilang ina bandang alas-10:20 nang gabi.

Humantong umano sa suntukan ang girian hanggang sa kumuha ng tubo ang biktima at dito rin kumuha ng patalim ang suspek.

Ayon sa pulis, nakaiwas umano sa pamamalo ni Noli sa suspek gamit ang tubo kaya nagkaroon ng pagkakataon si Manuel na saksakin ng ilang beses ang bunso.

Agad na dinala sa ospital ang batang Frianeza ngunit siya ay dead-on-arrival, ayon sa mga doktor. Sumuko naman sa MMPS ang suspek.
Inaalam na ng pulis kung ano ang dahilan ng pag-aaway ng magkapatid. (Allan Bergonia)