Abante Tonite Interactive

Buntis kulong sa ₱6M shabu

304

Posibleng sa kulu­ngan na manganak ang isang buntis matapos mahulihan ng halos anim na milyong pisong halaga ng shabu kasama ang kanyang kasabwat sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng PDEA at Rizal Police sa Barangay Dolores, Taytay, Rizal.

Nakilala ang suspek na si Sittie Aina Dima­pinto, 28-anyos, 8-buwang buntis at kasabwat na si Naida Sarip, 29, kapwa residente ng Taytay.

Ayon kay Rizal Police Provincial Director Police Col. Renato S. Alba, ilang buwan ang isinagawang surveillance ng mga tauhan ng PDEA at Rizal PNP kaugnay sa pagtutulak ng mga suspek at nang makatiyempo ay ikinasa ang buy-bust operation matapos makipagtransaksyon ang mga suspek bandang alas-10:00 Miyerkoles ng umaga sa Chestnut Apartelle sa Manila East Road, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal.

Nakuha sa mga sus­pek ang 1-kilong pinaghihinalaang shabu na aabot sa halagang P5.8M at kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002. (Vick Aquino)