Abante Tonite Interactive

Buntis naglihi sa shabu

By
888

Ayaw maniwala ng isang ginang na may masamang epektong dulot ang iligal na droga sa kalusugan ng tao kaya kahit na buntis ito ay bumabatak pa rin ng shabu.

Pero kamakalawa ng hapon ay natiyempuhan ang suspek na si Mercy Urias, 39-anyos, at ang tatlo pa niyang kasama habang nagsa-shabu makaraang salakayin at pagdadamputin sila ng mga awtoridad sa loob ng kanyang tahanan sa Geronimo Compound, Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.

Kinilala ang tatlo pang naaresto na sina Michael de Leon, 29-anyos, ng Block 2, Lot 16, Greenfields 1, Brgy. Kaligayahan, Quezon City; Rodante Maranan, 38, drayber, ng Brgy. Bagumbong, Caloocan City; at Michelle Garcia, 34, ng Block 28, Lot 24, Guyabano St., Brgy. Nova Proper, Novaliches, Quezon City.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-3:25 ng hapon nang maaresto ang mga suspek habang bumabatak ng shabu sa loob ng bahay ni Urias na umano’y walong buwan nang buntis.

Isinagawa ang anti-illegal drug raid matapos na makatanggap umano ng tip ang mga pulis hinggil sa nagaganap na pot session sa lugar.

Sa isang cellphone video na kuha ng isang concerned citizen ay kitang-kita ang pagbatak ng shabu ng mga suspek kaya’t sumalakay na ang mga pulis.

Aminado ang ginang na bumabatak siya ng shabu pero hindi naman aniya maaapektuhan ang kanyang ipinagbubuntis.

Lumalabas sa im­bestigasyon sa kanya na dati na umanong gumagamit ng shabu ang ginang kahit noong ipinagbubuntis o ipinag­lilihi pa lamang niya ang kanyang unang mga anak.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang may 23 plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia.