Abante Tonite Interactive

Buntuterang aktres OA ang presyo sa anak

647

Naglabas ng hinaing ang isang businesswoman tungkol sa isang female personality na ibang-iba na raw talaga ang ugali ngayon. Dati kasi ay halos sa kanyang bahay na nakatira ang babaeng personalidad.

‘Yun ang mga panahong palaging nangangailangan ang female personality, palagi siyang nakabuntot sa businesswoman, dahil may kapalit ‘yun.

Kuwento ng aming source, “Dahil sa matindi niyang pangangailangan, e, nahahanap niya ang businesswoman kahit saan. Nagbabakasyon sa probinsiya ang negosyante, dumarating siya du’n!

Abante Hiring – IT dep

“Talagang palagi siyang nakabuntot sa negos­yante dahil umaasa siyang maaabutan siya kapag pauwi na siya. Ganu’n siya nu’n,” kuwento ng aming source.

Pero ibang-iba na ang klima ngayon. Ni hindi na nga nakukumusta man lang ng female personali­ty ang businesswoman ay nagulantang pa ito nu’ng minsang tawagan siya nito.

“Kinukuha kasi niyang entertainer sa fiesta nila ang anak ni female persona­lity. May budget naman ang negosyante, handa siyang magbayad, pero malapit nang mahulog sa upuan ‘yung businesswoman nu’ng marinig niya ang sinisingil sa kanya ng dating pabuntut-buntot lang na female personality sa kanya.

“Super-laki! Mababa pa nga raw ang quotation na ibinigay niya, dahil kapag dumaan pa ‘yun sa mga executives na nag-aalaga sa career ng anak niya, e, mas mataas pa ang sisingilin sa negosyante!

“Pero naloka ang businesswoman! Kulang na lang nang konti at milyon na ang sinisingil sa kanya ni buntuterang mommy ng young actor! Hindi natuloy ang transaksiyon nila, hindi matanggap ng businesswoman na pati pala siya, e, tuturingan nang ganu’n katindi ng female persona­lity na inaabut-abutan lang niya nu’ng may matinding pangangailangan.

“Ibang-iba na raw nga­yon ang female personality, pera-pera na lang pala ang labanan ngayon para sa kanya. Forget na ang utang na loob na dapat niyang tanawin sa negosyanteng nagpala sa kanya,” napapai­ling na pagtatapos ng aming impormante.
***

Mukhang sumablay ang kung sinumang nagkaideyang ipa-disqualify si Edu Manzano sa pagsungkit ng posisyon bilang kongresista ng San Juan.

Sa takbo ng mga pangyayari ngayon ay parang sila pa mismo ang nagbigay ng libreng publisidad para sa aktor-pulitiko. Tinapatan ng paliwanag ni Edu ang naging­ aksiyon ng Comelec, hindi pa pinal ang pagharang sa kanyang kandidatura, dahil nag-file na siya ng motion for reconsideration.

Malinaw niya ring naipahayag sa kanilang rally na mismong Supreme Court na ang naglabas ng desisyon na Pilipino siya at hindi banyaga, kasunod ang tanong kung alin ba ang mas makapangyarihan at mas mataas, ang Supreme Court ba o ang Comelec?

Apat na beses nang lu­malahok sa halalan sa ating bayan si Edu Manzano, pero kung bakit hinukay pa sa libingan ang kuwestiyon tungkol sa kanyang citizenship, nu’ng magsumite pa lang ng COC ang aktor ay agaran na sanang kumontra ang Comelec.

Kung minsan ay puma­pabor pa nga sa pulitiko ang ganyang kontrobersiya, nabubulabog ang kanilang nasasakupang botante, nagmarka lalo ngayon si Edu Manzano sa kanilang mga kababayan.

Ayon sa panayam kahapon nang umaga kay Attorney Sixto Brillantes, dating tagapamuno ng Comelec at abogado ni Edu, “Lehitimong kandidato pa rin si Edu Manzano bilang congressman ng San Juan, hindi pa final ang pinalabas ng Comelec. Nag-file na si Edu ng motion for reconsideration sa en banc ng Comelec. Du’n pa lang, e, mare-reverse na ang pinalabas ng dalawang commissioners lang.

“Naglabas na ng decision ang Supreme Court nu’ng 1999 pa, Filipino citizen si Edu Manzano, kaya bakit inungkat na naman ang issue na ito?
“Walang ibang dahilan akong nakikita, gustong tumulong nu’ng mga nag­labas ng disqualification sa kalaban ni Edu. Inuulit ko, lehitimong kandidato pa rin si Edu Manzano sa pagka-congressman ng San Juan,” mahabang pahayag ni Attorney Sixto Brillantes.