Abante Tonite Interactive

Buong bansa affected kina Bea, Gerald, Julia

449

Buong bansa ay apektado na ngayon sa nangyayaring cheating controversy sa pagitan nina Julia Barretto, Bea Alonzo at nobyong si Gerard Anderson na super trending na worldwide.

Hindi lang sa social media umaapoy ang isyu dahil pinagpiyestahan na rin hanggang sa Senado, Kongreso at Sup­reme Court (SC) ang isyu makaraang mag-react si Associate Justice Marvic Leonen sa pamamagitan ng Twitter. “Dear Bea and Julia, is he really worth it? #JustAsking,” ayon sa tweet nito na makaraan ang ilang sandali ay dinagsa ng reaksyon sa mga netizen.

Alas-9:03 nang umaga eksaktong luma­bas ang nasabing tweet ni Leonen na makaraan ang siyam na oras ay umani ng 13,900 likes at 2,600 retweets.

Ayon sa isang netizen, kapag nag-react ang isang SC justice sa isang isyu ay maituturing na itong ‘national concern’.

“That is the most relevant question your honor,” sabi pa sa tweet ni Raffy Tima na nasa tema ng pagbibiro.

“Hands up justice… maka masa po tlga kayo. Ganda ng question. Hoping ang social media maging inspiration ng tao para my peace na Walang away. At lahat ng mababasa makakapag pa smile sa isang tao,” reaksyon naman ni Rams Naraga.

Hindi lang SC ang nabulabog sa trending na isyu sa ‘Twitterverse’ dahil ilang senador na rin ang nag-react sa isyu.

May simpleng payo si Senadora Nancy Binay patungkol sa bali-balitang cheating controversy.

Sa kanyang tweet kahapon, pinakalma ni Binay sina Bea at Julia sa pagsabing hindi dapat pag-aksayahan ng panahon ang katulad ni Anderson dahil sa kanyang pangangaliwa.

“Gurls, he’s not worth it,” sabi ni Binay sa kanyang tweet na sinamahan pa ng hashtag na #KalmaLangGirls at #MoveOn.

Kaugnay nito, si Senadora Risa Hontiveros naman ay nag-tweet din na ang ‘ghosting’ ay isang “immature and co­wardly” na gawain ng isang tao.
Wala namang direktang pinasari­ngan si Hontiveros subalit halatang patama ang kanyang mensahe kay Anderson.

“One thing I teach my kids is to be fair and just, even in relationships. Ghosting is immature and cowardly. Talk, and If needed, end things properly,” sabi ni Hontiveros sa kanyang tweet.

Payo pa nito sa lahat ng mga nabiktima ng ‘ghosting’, “To all who’ve been ghosted before, your worth isn’t defined by it. Have courage and be strong, grow.”

Apektado na rin si dating Customs chief at ngayo’ y Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na sumagot sa tweet ni Justice Leonen.

“You know it has become a national issue when justice of the SC asks a cla­rificatory question. Now I’m contemplating to file an inquiry in aid of legislation,” sabi pa ni Biazon na tila nagbibiro.

Noong Lunes, binasag ni Barretto ang kanyang katahimikan sa kontrobersiya kung saan itinuro siyang third party sa hiwalayan nina Alonzo at Anderson.
“You can play victim all you want, but I refuse to be your victim,” sabi ni Barretto sa kanyang Instagram post.
Mariing pinabulaan ni Julia na may kinalaman siya sa hiwalayan nina Bea at Gerald.
Naniniwala si Baretto na isang pambu-bully ang ginawang pagsusulong ni Bea na tinawag niya bilang “culture of hate”.

Nilinaw din ng young actress na naghiwalay sila ng kanyang ex-boyfriend na si Joshua Garcia noong 4 na buwan na ang nakakaraan, at pareho pa aniya nilang nilinaw na walang third party sa kanilang relasyon.

Wala pang sagot si Alonzo sa pasaring na ito sa kanya ni Barretto.

Samantala, top trends sa Pilipinas ang hashtag #TeamJulia, #TeamBea at #BeaVSJulia sa Twitter at top 10 trending topic sa Twitter worldwide ang mga pangalang ‘Julia’, ‘Gerald’, at ‘Bea Alonzo’ (Dindo Matining)