Abante Tonite Interactive

Bureau of Quarantine dinagsa sa polio vaccine

235

Umaabot umano sa 2,000 katao ang dumadagsa sa Bureau of Quarantine (BOQ) kada araw para kumuha ng polio international vaccination certificate (ICV).

Ito ang nabatid kay BOQ Director Ferdinand Salcedo matapos ang ulat na bumalik ang polio virus sa bansa.

Gayundin, makaraang obligahin ng 19 na bansa ang mga Pilipino na kumuha muna ng vaccine certificate bago papasukin sa kanilang bansa.

Nalaman na madaling-araw pa lamang naka­pila na ang mga tao na karamihan ay pupunta sa ibang bansa para magtrabaho.

Kahapon, isang grupo ng kababaihan na bibiyahe patungong Saudi Arabia ang pumila na ala-una nang madaling-araw pa lamang para makakuha ng ICV.

Ang BOQ ay matatagpuan sa Port Area, Maynila. Bukas ito mula alas-otso nang umaga hanggang alas-singko nang hapon, Lunes hanggang Biyernes.

Nabatid na libreng ibinibigay ang bakuna pero magbabayad ng halagang P300 para sa ICV na may lifetime validity.

Pagpasok ng tao sa gate ng BOQ, bibigyan sila ng mga guwardiya ng yellow paper o OPV/IPV Questionnaire, puting papel na data form at numero.

Nabatid na karaniwang oras ng proseso ay isa hanggang tatlong oras, depende sa dami ng tao na dumating sa BOQ.

Batay umano sa listahan ng World Health Organization (WHO), kabilang sa mga bansa na kaila­ngang magpakita ng ICV laban polio ang isang Pilipino na pupunta sa kanila ay ang mga sumusunod: Afghanistan, Belize, Brunei Darussalam, Georgia, India, Indonesia, Iran, Iraq, Jordan, Lebanon, Maldives, Morocco, Oman, Pakistan, Qatar, Saint Kitts and Nevis, Saudi Arabia, Seychelles, at Ukraine. (Juliet de Loza-Cudia)