Abante Tonite Interactive

Burol ni Isabel instant reunion ng mga taga-‘That’s…”

By
23

NGAYONG araw na ito ang cremation para sa namayapang aktres/singer na si Isabel Granada.

Nakadalaw kami sa ikalawang huling gabi ng wake niya sa Sanctuario de San Jose sa Greenhills, huling gabi bago ito inilipat sa Arlington Funeral.

Na kung ang Mommy lang ni Isabel ang masusunod, ayaw niya sanang ilipat pa ang anak dahil ayaw nitong isipin na nasa funeral ang anak. Na hindi talaga magawang tingnan ang nag-iisang anak niya na nasa loob na nga ng kabaon.

Katabi lagi ni Mommy Guapa ang apo na si Hubert at ang unang asawa ni Isabel na si Jericho Genasky Aguas. Habang ang ikalawang asawa niya ay nasa unahan ng pew, si Arnel Cowley.

Halos gabi-gabi ng wake ay gabi ng That’s Entertainment dahil para silang nagkaroon ng instant reunion sa wake ni Isabel.

Pero noong second night nito, dumating din ang iba pang nakasama at naging kaibigan ni Isabel sa industriya tulad ng mag-asawang Senator Tito Sotto at Ms. Helen Gamboa kasama ang bunsong anak na si Ciara Sotto. Ang dalawa ay gumanap na mga magulang ni Isabel sa dating family sitcom na “Hapi House.”

Nakausap namin si Jericho sa wake. Inamin nitong ngayong nakaburol na si Isabel, may mga samu’t-saring reaksyon at emosyon daw. Merong negatibo raw sa kanya, meron din sa kanya (Arnel).

“Actually, nagkakaroon na ng konting reaksyon. Of course, mahal namin si Isabel. Kasama ko ang aking anak.

Minsan nakaupo na lang po ako sa isang tabi, merong halika rito, humarap ka sa mga tao. Pero ako, hindi, ayoko po, iniintindi ko po si Arnel.”

Nilinaw naman ni Jericho na inapproach niya raw si Arnel simula pa lang ng wake kung meron ngang problema na nandun siya.

Wala naman daw isyu. At sinabi raw niya na nandoon siya para sa kanyang anak at bilang dating asawa ni Isabel.

“Actually, hindi lang bilang dating asawa, you know, I’m the legal, pero hindi ko na po kinukuha sa kanya yun. Wala po akong mga intention na ganun.”

Noong nasa Qatar sila, very okay raw sila ni Arnel. Yun nga lang, parang noong naging ganito na raw ang situation, parang may nag-iba nga raw.

Kung meron man daw na-realized si Jericho nang mawala si Isabel, ang malaking kawalan daw nito.

Aniya, “Isabel is a great loss. She’s a big loss. The public doesn’t know really kung ano ang pinagdaanan namin.

Marami ang nagulat na hiwalay kami. Meron na pala siyang ibang asawa, meron na rin akong ibang kasama.

“Tinext ko na rin ang spiritual mentors ko, bakit ngayon, may pagsisisi. May panghihinayang, pero babalik ka na naman sa nakaraan. Sa mga effort na nagawa ko, ako rin ang may kasalanan.”

Nabanggit din ni Jericho na nang sabihan daw niya ang anak nila ni Isabel na si Hubert na magbibigay ito ng eulogy, bigla raw itong na-pour out ng emotion at parang sa harapan niya at ng mga magulang niya ay nag-eulogy ang anak.

Sa ngayon, hindi pa masagot ni Jericho kung ano naman ang magiging plano na ng Mommy ni Isabel na si Mommy Guapa ngayong wala na nga ang anak at masasabing nag-iisa na sa buhay.

Though, nasabi naman ni Jericho na sila ng anak niya ay titingnan pa rin ito, same way noong buhay pa rin daw si Isabel ay hindi naman sila nawalan ng komunikasyon na mag-biyenan.