Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Buryong sa 14 araw quarantine, katrabaho tinarakan

0 77

Patay ang isang lalaking nasa ilalim ng home quarantine matapos itong saksakin ng kanyang kasama sa quarantine house sa General Nakar, Quezon noong Sabado ng gabi.

Kinilala ng General Nakar police ang biktima na si Cris Mark Astoveza, residente ng Barangay Pagsangahan.

Sa report ng pulisya, ang biktima at ang suspek na si Jeremy Miras, 24, kasama ang kapatid ng biktima ng si Jhun Astoveza at bayaw ng mga ito na si Bernie Pujeda ay pawang nasa ilalim ng 14-day home quarantine sa tahanan ng isang Carlos Astoveza sa nasabing barangay batay na rin sa patakaran ng LGU.

Naghahapunan ang grupo nang bigla na lamang magbunot ng patalim ang suspek at sunod-sunod na inundayan ang biktima. Tinangka pang umawat ng kapatid subalit ito ay sinaksak din.

Mabilis na umalis ng bahay ang suspek matapos ang pananaksak.

Ayon sa General Nakar police, nasa ika-8 araw na ng home quarantine ang mga ito matapos umuwi mula sa kanilang trabaho sa road construction San Miguel, Bulacan.

Sinasabing dala ng pagkainip bukod sa nagkasagutan pa umano ang biktima at ang suspek hinggil sa kanilang naiwang trabaho ay nauwi ito sa pananaksak.

Pinaghahanap na ang tumakas na suspek samantalang ginagamot pa sa ospital ang sugatang kapatid ng nasawi. (Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.