Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Buryong sa utang sinaksak live-in partner

0 498

Malubhang nasugatan ang isang babae matapos itong pagsasaksakin ng kanyang ka-live in na naburyong sa dami ng pagkakautang, sa Zamboanga City Martes ng hapon.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Mindanao Central Sanitarium dahil sa mga tinamong saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktima na kinilalang si Grace Henodiala Villacencio, 25-anyos, nakatira sa Brgy. Boalan sa nasabing lungsod.

Timbog naman sa mga rumespondeng pulis ang suspek na si Antonio Sarmiento Morales, 32-anyos.

Sa ulat ng pulisya, nangyari ang krimen dakong alas-4:55 ng hapon sa loob ng bahay ng magka-live in sa Brgy. Boalan, Zamboanga City kung saan nagtalo ang dalawa sa dami umano ng naniningil sa suspek na kanyang pinagkakautangan.

Sa gitna ng pagtatalo, nakakuha ng patalim ang suspek at agad na pinagsasaksak ang biktima pagkatapos ay mabilis na tumakas. Subalit nasakote rin siya ng mga rumespondeng miyembro ng Zamboanga City Mobile Force Company.

Isinugod naman ang biktima ng kanyang nanay sa ospital kung saan nasa maubhang kalagayan pa ito.

Base sa imbestigasyon, naburyong ang suspek dahil sa mga problema nito sa kanyang mga pinagkakautangan na sabay-sabay na siyang sinisingil.

Nakakulong na ngayon ang suspek sa Zamboanga City Police Station detention cell habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.