Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bus sakay ang 21 LSI, nahulog sa bangin

0 806

Isang bus na lulan ang 21 pasaherong Locally Stranded Individuals (LSI) at dalawang drayber ang nahulog sa bangin habang bumibiyahe ito sa kahabaan ng bayan ng Sta. Rita, Samar Lunes ng madaling araw.

Ayon kay Police Col Andre Dizon, Provincial Director ng Samar Police Provincial Office (PPO), ang mga pasaherong LSI ay patungo sana ng Mindanao na nagmula sa Metro Manila lulan ng Partas bus sa programang Hatid Tulong ng Office of the President nang maganap ang aksidente sa Sitio Cantaba, Barangay Caticugan ng nabanggit na bayan dakong alas-3:00 ng madaling araw.

Napag-alaman na nawala sa giya ang drayber ng bus pagdating sa pakurbang parte ng kalsada dahilan upang matumbok ang isang bahay at linya ng isang telecommunication company bago nahulog sa bangin.

Suwerte namang may kababawan ang bangin na kinahulugan ng bus kaya walang nasugatan o nasawi sa mga pasahero habang wala ding sugatan sa bahay na nabangga ng bus.

Naghintay lang ng ilang oras ang mga pasahero bago mailipat sa ibang bus at nagtuloy na sila ng biyahe patungo sa kanilang pupuntahan. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.