Abante Tonite Interactive

Bus Tumagilid sa Skyway

184

Nagpasikip sa daloy ng trapiko nitong Linggo ng umaga ang isang provincial bus na sumalpok sa concrete barrier ng ginagawang Skyway Stage 3 sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) partikular sa bahagi ng Camachile, Quezon City.

Pasado alas-nuwebe ng umaga nang mangyari ang aksidente kung saan nagsisimula na rin sumikip ang trapiko sa NLEX dahil sa mga nag-uwian sa kanilang probinsya para sa Undas at pabalik na sa Metro Manila.

Masuwerteng wala namang dinulot na matinding pinsala sa buhay ng mga pasaherong sakay ng naaksidenteng provincial bus na First North Luzon Transit ma­liban sa isang pasahero na iniulat na nasugatan sa insidente.

Ayon sa pamunuan ng NLEX, nagdulot ng matinding trapik ang naturang insidente.

Batay naman sa larawang naka-post sa Facebook page ng Balitang Bulacan, isang hindi pa nakikilalang lalaki ang makikitang lulan ng stretcher at inilalabas mula sa bintana ng sumalpok na provincial bus.

Nabatid na inararo ng bus ang mga concrete barrier hanggang sa sumalpok ito at tumagilid sa center island.

Kalaunan ay tinanggal din ang bus sa pamamagitan ng crane.

Kaugnay nito, nagbigay ng babala ang pamunuan ng NLEX na maging maingat sa pagbiyahe at asahan nang makakaranas ng matinding trapik dahil tiyak ang dagsa ng mga mag-uuwian simula nitong Linggo hanggang ngayong Lunes galing sa mga probinsya. (Vick Aquino)