Abante Tonite Interactive

Busy? Mag-online shop ka!

213

Palapit na nang palapit ang Pasko, kaya pasikip na rin nang pasikip ang mga mall at grocery stores.

Tama rin naman, kung may extra pera na – simulan nang magshopping ng mga Christmas gift. Sa totoo lang, mahirap makipagsabayan sa dagsa ng mga mamimili.

Dahil sa Christmas rush, traffic everywhere. Lalo pang tumindi ang mabigat nang daloy ng trapiko sa mga pangunahing­ lansangan. Kaya talagang nakakairitang lumabas ng bahay lalo na ‘pag weekend.

Sa gaya ko na always busy, puwede rin namang hindi na pumunta ng mall. Ang solusyon – online shopping.

Buwan-buwan, nagbibigay ng promo at discounts ang ilang kilalang e-commerce sites gaya ng Lazada at Shopee. Personal ko itong sinubukan nitong isang linggo sa promo nilang ‘11.11’.

Talaga namang nakaka-engganyong mamili online. Bukod sa less-hassle, mura pa ang presyo ng mga inaalok na produkto. Ang ilang kilalang brand ng relo, mabibili lang sa presyong abot-kaya.

‘Yun nga lang, kung bibili ka online, huwag magpaloko. Suriing maigi ang produkto.

Una, tingnan kung lehitimo ang seller. Mas mainam kung sa site mismo ng official seller ka titingin ng items na napupusuan mong bilhin.

I-check din ang reviews. Normally, doon mo makikita ang negative at positive feedbacks ng mga customer sa naturang produkto. Kung puro panget ang sinasabi sa item na nagugustuhan mo, magda­lawang-isip ka na. Posibleng hindi worthy na bilhin ang produkto.

‘Too good to be true’ rin ang ibang items. Kung sobrang baba nang presyo, malamang peke ‘yan.

Huwag din basta-basta mag-eenter ng mga confidential information gaya ng buong pangalan, exact address at account numbers. Alamin muna kung totoo at hindi peke ang online shopping site.

Ang sa akin lang, hindi masamang mahumaling sa online shopping lalo na kung makakamenos at makakabawas ng oras sa pamimili. Siguruhin lang na hindi ka magpapaloko. Suriing maigi ang produkto bago bilhin.