Abante Tonite Interactive

Butangerang aktres iniismol ang mga tauhan

By
2,221

Mahilig magnegosyo ang isang kilalang female personality.­ Lahat ng negosyo ay gusto niyang pasukin dahil meron na siyang pangpuhunan ngayon. Matagal na niyang pangarap ang pagbi-business pero puhunan ang kanyang problema.

Ngayong maganda na ang mga oportunidad na dumarating sa kanya ay malaya nang magnegosyo ang babaeng perosnalidad. ‘Yun daw ang kanyang fallback, meron daw siyang maaasahan, kung sakaling tapos na ang kanyang panahon sa pag-aartista.

Pero bakit may mga tauhan siyang nagrereklamo? Bakit parang hindi magandang magpalakad ng negosyo ang female personality? Bakit may mga kuwentong umiikot na hindi kagandahan tungkol sa aktres?

Kuwento ng aming source, “May mga hindi nagkakagusto sa ugali niya bilang boss, masyado raw mapangmaliit ang girl, saka sobrang ingay kapag nagpupunta sa mismong venue ng business niya.

“Kasi nga naman, e, nga­yon pa lang siya nagkakaroon, now pa lang siya nagkaroon ng chance, dahil dati, e, miron-miron lang siya sa business ng mga kaibigan niya.

“Kitang-kita kuno ang breeding ng girl, masyado siyang butangera, palagi niyang pinagagalitan ang mga tauhan niya kahit sa maliliit na bagay lang na hindi niya nagugustuhan,” kuwento ng aming impormante.

Huwag sana siyang nagmamalabis ngayong kinasihan na siya ng kapalaran. Baka magtampo sa kanya ang grasya, nakapanghihinayang naman ‘yun, kung makawawala pa sa mga palad niya.

Huling hirit pa ng aming source, “Huwag siyang masyadong kumportable, baka bukas-makalawa, e, tapos na ang panahon niya. Kahit ang isang taong mahal na mahal niya na nagbigay ng suwerte sa kanya, walang nakakaalam kung hanggang kailan sikat ‘yun!” pagtatapos ng aming impormante.

Ellen masusubukan ang tapang sa kaso

Ngayon natin masusubukan ang tapang ni Ellen Adarna. Ke­tapang-tapang ng babaeng ito sa social media, kung sinu-sino ang kanyang pinari­ringgan-pinapatulan, tingnan natin kung paano niya haharapin ang patung-patong na asuntong isinampa ng mga magulang ng menor de edad na ipinahiya niya sa social media.

Child abuse, cyber-libel at iba pa ang mga kasong kailangang harapin ngayon ng sexy star sa Pasig Pro­secutor’s Office, hindi niya puwedeng balewalain ang mga asuntong ‘yun, dahil kapag nakakita ng puntos ang piskalya laban sa kanya ay warrant of arrest ang matitikman niya.

Binigyan na nga siya nang limang araw ng pamilya ng dalagita para mag-public apology pero parang wala lang ‘yun sa girlfriend ni John Lloyd Cruz. Sa halip na mag-sorry ay isang mala­king panunuya pa ang kanyang sagot, nag-post siya ng isang video habang nagpe-pedicure siya ng kanyang hinlalaki, di ba naman pa­saway talaga ang babaeng ito?

Ngayon ay wawasakin ng mga kasong isinampa laban sa kanya ng mga magulang ng menor de edad ang palagi nilang idinadahilang kapri­baduhan ng buhay nila ni JLC.

Kailangan niyang sumipot sa pagdinig ng kaso, kaila­ngan niyang sagutin ang mga bintang sa kanya ng pamilya ng dalagita, lalabas siya ng lungga nila ni Lloydie para ipagtanggol ang kanyang sarili.

Akala siguro ni Ellen Adarna ay nananakot lang ang mga magulang ng menor de edad. Akala siguro ng sexy star ay hindi naman itutuloy ng pamilya ang pagdedemanda sa kanya.

Kailangang masampolan ang mga tulad ni Ellen na ginagawang laro lang ang buhay. Kailangang bigyan ng leksiyon ang mga tulad niyang pasaway.