Abante Tonite Interactive

Butch: 8 ang flag bearer sa SEAG

0 193

‘Di lang isa kundi walo na mga ­premyadong national athlete ang ­magiging flag bearer sa makulay na pagbubukas ng iho-host na 30th Southeast Asian Games sa ­Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa Nobyembre 30.

Ito ang isiniwalat ni Team ­Pilipinas Chef de Mission at Philippine Sports ­Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez tapos ang ­pagsama sa mga bumisitang mambabatas mula sa Senado at Kongreso sa ­kinukumpuning Rizal ­Memorial Sports Complex sa Malate nitong Martes.

“We just had a meeting yesterday and we are looking at eight flag bearers. Ikokonsulta muna namin sa Philippine Olympic Committee (POC) kung okay sa kanila ang choices at suggestion namin,” ani Ramirez na may shoulder injury nang mag-igib ng tubig sa kanilang tahanan sa Davao City.

“Saka marami ang nagsasabi na suwerte ang walo,” hirit niya, at ­nakatakdang ipakilala ang flag ­bearers sa Pep Rally para sa ­pambansang ­delegasyon sa RMSC.

Sila ay sina weightlifter Hidilyn Diaz, gymnast Carlos Yulo, pole vaulter EJ Obiena, boxers Eumir Felix Marcial, Nesthy Petecio at skateboarder Margielyn Didal, judoka Kiyomi Watanabe at golfer Yuka Saso.

“Lahat naman sila ­mahuhusay talaga at deserving as flag-bearers ­dahil sa pagbibigay ng karangalan para sa bansa natin,” wakas na sambit ni Ramirez. (Lito Oredo)