Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Buti may health break

0 261

Sunud-sunod na nagpatupad ng health break ang mga eskuwelahan at kolehiyo sa buong bansa. Sinimulan ito ng LGU Manila na sinundan ng Department of Education. Batid ng mga awtoridad ang epekto ng pandemya sa mental at physical health ng mga guro at estudyante.

Sa latest record ng Department of Health, pataas pa rin nang pataas ang bilang ng mga nagkaka-Covid. Sa pagtaya ng OCTA Research, baka pumalo pa raw ang daily count sa 40,000 o di kaya’y umabot pa sa all-time-high na 100,000.

Matapos ang holiday break, face-to-face na sana ang klase sa ilan sa mga pilot schools at unibersidad sa Metro Manila. Pero dahil muli na namang dumami ang kaso ng tinatamaan ng Covid-19, pansamantala itong iniatras.

Dalawang taon nang ganito ang sitwasyon. Virtual ang mode of learning ng mga bata. Ang ibang walang kapasidad na mag-online, modules naman ang araw-araw na kaharap. Mahirap ito para sa mga guro at mga bata. Kaya napapanahon talaga ang isang linggong health break na ipinatupad ng mga paaralan.

Hindi ako mental health expert, pero minsan na rin akong nagpakonsulta sa isang psychiatrist para isangguni ang aking nararamdaman sa gitna ng pandemya.

May ilang pagkakataon na basta na lang akong naiiyak – hindi ko alam kung bakit. Pero bigla na lang tutulo ang luha ko at makakaramdam nang lungkot sa aking sarili. Palagay ko, may 3 beses itong nangyari sa akin mula nang magsimula ang pandemya noong 2020.

Dahil nabahala ako sa aking sitwasyon, agad akong kumonsulta sa espesyalista. Isa rin ‘yan sa payo ko. Huwag mahiyang dumulog sa eksperto kung may kakaiba kayong nararamdaman sa sarili. Hindi masamang magtanong, lalo na kung mental health ang nakataya.

Sa assessment ng psychiatrist, normal naman ang aking nararamdaman. Noong panahon kasing ‘yon, solo lang ako sa Pilipinas. Nasa ibang bansa ang aking buong pamilya. Natural lang daw na makaramdam nang lungkot at pangungulila, lalo pa’t nasa gitna ng pandemya ang buong mundo.

Ang mga dapat gawin para umayos ang pakiramdam, ayon sa ilang eksperto – una, matulog sa oras. Hangga’t maaari, huwag daw magpuyat. Bawasan ang paggamit ng electronic gadgets gaya ng cellphone. Marami rin kasing toxic contents sa social media na lalong nagpapa-depress sa’yo.

Ugaliin ding gumising nang maaga. Regular ding mag-ehersisyo. Importanteng may physical activities para lagging healthy and fit ang pangangatawan. Kumain nang masusustansiyang pagkain. Sa panahon ng global pandemic, mahalagang alagaan ang sarili sa pamamagitan ng pagkain ng healthy foods.

Iwasan ang mga bisyo gaya ng sigarilyo at alak. Dahil nasa Alert Level 3 ang malaking bahagi ng bansa, hindi pinahihintulutan ang social gatherings. Bawal tumanggap ng bisita na hindi kabilang sa’yong pamilya. Importanteng sundin ito para maiwasan ang pagkalat ng Covid-19.

Umaasa akong malaki ang maitutulong ng one-week break sa physical at mental health ng mga guro at estudyante. Gamitin natin ang isang linggo para palakasin ang resistensya. Huwag na munang lumabas kung hindi naman essential ang lakad. Limitahan pa rin ang kilos para hindi na dumagdag pa sa dumaraming kaso ng Covid-19.

Leave A Reply

Your email address will not be published.