Abante Tonite Interactive

Buti naman

By
5

Mabuti naman at hindi na raw magmumura si ­Pangulong Rodrigo Duterte dahil medyo pangit­ pakinggan na ang ating lider, ang ating Pangulo na ­palamura at hindi maganda sa mga bata.

Noon, may advertisement na nagsasabi na ang ­‘ginagawa ng matanda ay tama sa mata ng mga ­bata’ kaya baka akalain ng mga bata na ang ginagawang pagmumura ng Pangulo ay tama sa mga bata.

Hindi ba noong mga bata tayo, napipitik ang ­bunganga natin kapag nagmumura tayo?

Hindi pa uso noon ang Bantay Bata kaya kapag nakagawa na ng mali, tiyak na palo ang aabutin mo sa nanay o tatay ko kaya pipitikin ang bunganga mo kapag nagmura ka.

Sa bahay ng kahit sinong tao, bawal na bawal ang magmura kaya tiyak papagalitan ka…hindi ka man sasaktan, mapapagalitan ka ng magulang mo at tatanungin ka kung saan mo natutunan ‘yan.

Kapag sinabi mo na si ganito, kay ganu’n mo natu­tunang magmura, hindi ka na papayagang makipaglaro sa batang ‘yun dahil ang tingin ng magulang mo eh masama siyang impluwensya sa ‘yo.

Bago pa nagdesisyon si Digong na hindi na magmura matapos makausap ang Diyos, naririnig ng mga bata ang pagmumura niya kaya marami ang natatakot na magulang na baka isipin ng kanilang mga anak na okey lang magmura.

Pero sabi nga ng mga matatanda, lahat ng mga tao ay mayroon namang pagkakataong magbago at ipinakita na ni Digong ‘yan dahil sa mga nakaraang mga speech niya hindi na siya nagmura.

Ang mga hindi lang nabigyan ng pagkakataong magbago ay ‘yung mga drug addict at pushers na ­pinatay ng mga vigilantes at mga pulis dahil lumaban daw sila habang sila’y tinatangkang arestuhin.

***

May mga taga-Cagayan ang nagtatanong kung mayroon ba talagang gobyerno? Hindi ko sila masisisi dahil magdadalawang linggo na simula nang masalanta sila ng bagyong Lawin eh hindi pa sila nakakatikim ng ayuda mula sa pamahalaan.

Hindi ko alam kung papaanong assessment ang ginagawa ng Department of Social Welfare and ­Development (DSWD) bago tulungan ang isang ­bayan o barangay na labis na nasalanta.

Alam niyo ba na maraming nagtatawagan mula sa Cagayan na nagtatanong kung kailan sila tutulungan? May mga pagkakataon na inuuna ang mas malalayo at dinadaan-daanan lang sila ng mga relief workers.

Kung tutulong, walang dapat piliin. Tulad ng mga nasa malalayong lugar, kailangan din ng mga ­dinadaan-daanan na mamamayan ang tulong, lalo na ‘yung mga walang-wala sa buhay.

Okey lang na walang tulong sa mga biktima ng bagyo na medyo maalwan sa buhay at may inaasa­hang tulong mula sa mga kaanak nila na sa ibang lugar, ­pero papaano naman ‘yung wala talaga?

Hintayin niyo pa ba na gumawa ang mga biktima ng kalamidad na makagawa ng hindi maganda para malamanan kahit pansamantala ang kanilang sikmura? Mag-isip kayo, DSWD. (dpa_btaguinod@yahoo.com)