Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Butihing Nanay sa gitna ng pandemya

0 193

Sa mata ng Duterte administration “palamuti” lamang sa gobyerno si Vice President Leni Robredo pero sa mata ng taumbayan mabigat na papel ang ginagampanan ni VP Leni lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Bagama’t pilit minamaliit ng administrasyon, mahirap balewalain ang mga ginagawa ni VP Leni. Mahirap balewalain ang katotohanan na inako niya ang mga responsibilidad na dapat ay ginagawa ng pinakamataas na lider ng gobyerno.

Sa loob ng mahigit isang taon ng pandemya, lumutang ang kakulangan ng ama ng bansa—si Tatay Digong. Marami sa ating mga kababayan ang nakukulangan sa mga solusyong ibinibigay ng kanyang liderato. Marami kasing mga kababayan natin ang nawalan ng hanapbuhay, lalo pang naghirap at mas dumami ang nagutom. Pero sa halip na pagkalinga, pananakot pa ang ipinakita ng ama ng bansa.

Pagpasok pa lamang ng pandemya ay nagbanta na ang pangulo na aatasan niya ang pulis, militar at mga opisyal ng barangay na barilin ang mga taong kukuwestyon sa community quarantine. At nang magkaroon ng bakuna para sa COVID, muling nanakot ang pangulo na ipapaaresto ang mga ayaw magpabakuna, personal na tuturukan sa puwet at palalayasin pa ng bansa ang mga ayaw magpabakuna.

Sa kabilang panig ay ipinakita naman ni VP Leni na puwede namang hindi manakot para epektibong kumbinsihin ang mga tao na magpabakuna. Ang programang Vaccine Express ang ipinantapat ni VP Leni sa banta ng pangulong pagpapakulong sa mga hindi nais magpabakuna. Sa pamamagitan ng Vaccine Express epektibong nahikayat ni VP Leni ang taumbayan na magpabakuna. Inuna niya ang mga taong masisipag na nagtatrabaho sa gitna ng panganib na dulot ng pandemya tulad ng tricycle drivers, pedicab drivers at delivery riders.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kapalit ng pagpapabakuna, may reward silang P500 gas card. Kaya namang humaba ang pila ng mga drivers at riders na nagpabakuna. Hindi tinakot ang mga taong ito, nagkusa silang pumila at tuwang-tuwa pa dahil sa kanilang pag-uwi may proteksyon na sila sa COVID ay may libre pang gas para sa kanilang hanapbuhay. At sa ikalawang dose ng turok, grocery gift pack na may ilang kilo ng bigas at mga delata naman ang ipinamahagi ni VP Leni sa kanila. Dobleng tuwa ang hatid ng ayuda sa bakuna ni VP Leni.

Nakakatuwa ang mga solusyong ito ni VP Leni—simple pero epektibo. At hindi lamang naman Vaccine Express ang kanyang pinagkakaabalahan ngayong pandemya. Tuloy-tuloy pa rin ang Office of the Vice President sa pamimigay ng mga PPEs, medical supplies at mga gamot sa malalayong lugar sa bansa. Meron pa siyang Swab Cab, isang mobile antigen testing facilities na nag-iikot para malaman kung sino-sino ang mga COVID-positive nating kababayan na nangangailangan ng dagliang tulong para mai-quarantine at maiwasan ang hawahan sa komunidad. Meron din siyang Bayanihan E-Konsulta na nagbibigay naman ng libreng online medical consultation sa mga taong may karamdaman na walang kakayanang magpunta pa ng mga klinika at ospital.

Nakikita natin na abalang-abala sa gitna ng pandemya si VP Leni. Para talaga siyang nanay na kilos nang kilos pag may problema ang pamilya. At bilang isang ina, hindi matatawaran ang serbisyo at kalinga na ibinibigay ng ating Nanay Leni. Ipinakita niyang isa siyang matatag at matapang na ina na puwede nating masandalan sa panahon ng pangangailangan. Tulad ng mag-isang pagtataguyod sa kanyang mga anak, binabalikat din ngayon ni Nanay Leni ang mga responsibilidad sa pandemya na dapat sana ay ginagampanan ng ating ama ng bayan.

Sa mga ginagawang ito ni Nanay Leni, malinaw sa lahat na hindi siya isang palamuti lamang. Sa halip isa siyang masipag, matatag at maaasahang Nanay sa gitna ng pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.