Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Butong matigas puwede mabali

0 109

Ang ating buto ay apat na beses na mas matigas at matibay kaysa sa kongkreto. Pero kahit ganito katibay ang buto, maaari pa rin itong mabali.

Karaniwan sa dahilan ng pagkabali ng mga buto ay ang sakit na osteoporosis na nagiging dahilan ng pagkarupok ng buto. Maaari ring dahil sa matagal na paggamit o overuse, lalo na sa mga atletang madalas na tumatakbo, tumatalon at pumapadyak. Maaari rin namang napalo ng matigas na bagay, o naaksidente.

Ayon kay Dr. Jose Brittanio Pujalte, Jr., Medical Director ng Philippine Orthopedic Center, noong kasagsagan ng pandemya, bihira lang ang nadadala sa kanilang pagamutan dahil bumaba ang mga aksidenteng nagiging dahilan ng pagkabali ng mga buto.

Pero ngayong gumagalaw na ang mga tao sa labas at dumarami ang mga nakamotorsiklo at bisikleta sa daan, tumaas na naman ang bilang ng mga nababalian. “Halos araw-araw, may dalawandaang pasyenteng dinadala dito sa Orthopedic dahil sa nabalian,” ayon kay Dr. Pujalte na isang orthopedic surgeon.

Mayroong mga nabalian na sa loob lamang at di nabubuksan ang balat na tinatawag na closed fracture. Ang mga nabubuksan ang balat ay tinatawag na open fracture. Mayroong complete fracture kung saan nabibiyak ng tuluyan ang dalawang buto. Sa displaced fracture naman, mayroong parang “gap” o butas na nalilikha kapag nabali ang buto. Sa partial fracture, hindi nagtutuloy tuloy sa buong buto ang pagkabali. At kapag stress fracture, nagkakalamat ang buto na minsan ay mahirap hanapin kahit sa imaging.

May pagkakataon ding ang tendon o ligament ang humihila sa buto na tinatawag na avulsion. Kapag naman nadurog ang buto, ang tawag dito ay comminuted. Kapag naipit at na-flat ang buto, ang tawag dito ay compression.

Karaniwang isinusugod ng mga tao sa Philippine Orthopedic Center ang mga nagkaka-diprensiya ang buto lalo na at kilala ito sa paggamot ng lahat ng uri ng problema sa buto, lalo na kung walang budget sa pagpapaospital.

“Actually wala nang charity ngayon, kasi 99% ng patients namin ay no balance billing naman. Nasasagot ng Philhealth (Philippine Health Insurance) ang kanilang hospitalization. Ang mga kailangan naman ang bakal na pamalit sa kanilang nabaling buto, inilalapit natin ‘yan sa Malasakit Center para masagot. Kadalasan, halos walang ginagastos ang pasyente dito sa Orthopedic,” ayon kay Pujalte.

Bagaman at malaki ang naitutulong ng Philhealth sa mga pasyenteng walang makibayad sa ospital, sinabi ni Dr, Pujalte na kailangan pa ring magkaroon ng pagbabago, lalo na sa Philhealth board.

“Kailangang may kasama sa board na taga Private Hospitals Association of the Philippines. Hindi rin kasi nababayaran ng buo o kumpleto agad ang mga ospital na pribado, kailangang may representante sila para rin mapabilis ang daloy ng mga papel at mapabilis ang pagbabayad sa mga ospital. Kung maaari rin, magdagdag sila sa board ng radiologist, tulad ng galing sa College of Radiology. Hindi lang dapat doktor,” ang suhestiyon ni Dr. Pujalte.

“Dapat, we have to move the needle pababa. Kailangang mabawasan din ang “OOP” o out of pocket ng mga pasyente,” dagdag ni Dr. Pujalte.

Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy lang ang pagtanggap ng Philippine Orthopedic Center sa mga pasyenteng dinadala sa kanilang pagamutan. “Wala kaming tinatanggihan. Pero siyempre inoobserbahan pa rin natin ang health protocols kaya’t kailangang sumailalim muna sa Covid-19 RT-PCR test ang mga i-aadmit dito at maging ang mga magbabantay sa pasyente,” pagtatapos ni Dr. Pujalte.

Ang Philippine Orthopedic Center ay nasa kanto ng Maria Clara at Banawe sa Quezon City at maaaring tawagan sa 8711-4276.

Leave A Reply

Your email address will not be published.