Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Buwan ng Pag-ibig

0 113

Isang maligayang buwan ng mga puso!

Sa laban ng lungsod ng Taguig sa pandemya, laging naming pinapaalala na susi ang tapang, malasakit at disiplina. Ngunit sa lahat ng katagang ito ay pundasyon ang pagmamahal.

Ang pagmamahal at pagbibigay ng kalinga sa kapwa ay ang pinakaimportanteng batayan sa paghulma ng mga programa ng gobyerno.

Ang edukasyon, kalusugan at kabuhayan ang ilan sa pinakaimportanteng dapat tutukan. Lalo na sa panahon ngayon, napakahalagang tutukan ang pagbuo ng mga programa para dito, dahil dito mas mararamdaman ng ating mga kababayan ang pagmamahal ng gobyerno.

Sa Taguig, ang scholarship, libreng gamot at cash assistance ay ilan lang sa mga programang binuo natin para diretsong masagot ang mga pangangailangan ng mga kababayan natin sa larangan ng edukasyon, kalusugan at kabuhayan. Sa panahon ng pandemya, lalo natin itong pinalawak at pinalago at ilan lang ito sa mga programa kung saan diretsong nararamdaman ng ating mga kababayan ang pagmamahal ng gobyerno sa mamamayan.

Sa edukasyon ay importanteng sinisiguro natin na hindi lang may kalidad ngunit nakakapagbigay ito ng mas malawak na oportunidad sa ating kabataan.

Bukod sa ilang taon na nangunguna sa kalidad ng edukasyon ang Taguig batay sa National Achievement Test result ng Department of Education, mayroon din tayong dalawang science high schools at ngayong taon na ito ay magkakaroon ng sports and arts high school.

Kulelat ang Taguig noon. Noong 2010 ay 11th place sa Metro Manila ang Taguig ngunit sa ilang taon lamang, bumuo ang lungsod ng komprehensibong programa. Kasama rito ang pag-upgrade ng mga school buildings kung saan lahat ng buildings mula 2010 ay may aircon na, tatlong 7-story public school buildings na may elevator pa, pagbigay ng pinakamataas na allowances sa teachers kasama ang tablets, libreng gamit sa estudyante kasama ang uniform, sapatos, books, bags at iba pa. Ang Taguig, mula 11th place ay umangat ng 7th, 3rd, hanggang naging number 1 sa National Achievement Test results. Tunay na resulta ng komprehensibong plano ang pag-angat sa kalidad ng edukasyon.

Nang dumating ang pandemya, hindi natin ginawang hadlang ang pag-cancel ng face-to-face classes. Binuo ang TeleAral program para sa extensive online training para sa mga guro. Ang mga modules dito ay binuo ng mga scholars, eksperto at mga propesyonal mula sa mga pribadong paaralan.

Para sa pagpapalawak ng oportunidad, tinutukan din ng Taguig ang pagpasok sa kolehiyo ng mga estudyanteng Taguigeño. 6,000 students ang nag-aaral ng libre sa Taguig City University (TCU) at may allowance pa bawat semester. Ang lokal na pamahalaan ay nakapagbigay ng tablets para sa lahat ng mga mag-aaral ng TCU.

Bukod dito, naitatag ang L.A.N.I. at TLC scholarship programs noong 2011 kung saan libu-libong mga estudyanteng nasa kolehiyo ang binibigyan ng lokal na pamahalaan ng sustento mula P10,000 hangang P40,000 bawat semester. Ngayon ay mahigit 70,000 na ang scholars sa ilalim ng L.A.N.I. at TLC scholarship programs. Mahigit 2,600 naman ang scholars taun-taon sa dalawang science high schools ng Taguig.

Pinalawak pa natin ang scholarship pgrogram ng Taguig na umaabot sa P100,000 na sustento para sa mag abogado, engineers, doktor at accountants kapalit ng pagpasok sa trabaho sa gobyerno.

Noong pandemya, nagbigay din ng anti-COVID-19 kits at P5,000 crisis assistance ang lokal na pamahalaan para sa 21,377 scholars nito sa ilalim ng L.A.N.I at TLC scholarship programs at TCU scholars.

Sa aspeto ng kalusugan, unang inayos ng Taguig ang mga Community Health Centers. Bukod sa 28 PhilHealth-accredited Health Centers ay nagtayo ang Taguig ng tatlong Super Health Centers na may 24-hour consultation sa doktor at ambulansya para sa pag-refer ng mga pasyente. Mayroon din itong paanakan at laboratoryo.

SM food to go Banner Ad

Namamahagi rin ang lungsod ng libreng gamot sa hypertension, diabetes at asthma na dinadala ng barangay health centers sa bahay. Umaabot sa halos 20,000 seniors at may sakit ang dinadalhan ng gamot.

Nasa Taguig din ang kauna-unang Elderly Center sa bansa, isang 4-story complex na may elevator at mga pasilidad na therapy room, spa, jakuzi, ballroom area, lounge areas, conference rooms at cinema para sa mga senior citizens sa lungsod.

Bukod pa ito sa 5-story PWD Center na kasalukuyang itinatayo at magiging ekslusibong pasilidad naman para sa mga PWD sa lungsod ng Taguig.

Ngayong panahong ng pandemya, pinalawak pa natin ang delivery services ng City Health Office kasama ang gamot at pagbabakuna para sa mga may tuberculosis at HIV, at vitamins at mga reproductive commodities naman para sa mga buntis.

Ang lahat ng barangay ay mayroon ding Taguig Telemedicine kung saan maaaring isangguni online o sa pamamagitan ng phone call ang mga may karamdaman nang hindi na pupunta pa sa ospital o health center. Para naman sa mga taong nangangailangan ng dialysis, mayroong itinayong Taguig City Dialysis Center na nagsimulang mag-operate noong 2019. Ito ay libre upang tugunan ang dialysis treatment ng mga Taguigeños.

Bukod sa Taguig Rescue at Barangay Response Teams na may ambulansya sa pagkakataon na may emergency, mayroon ding shuttle service na libreng hatid at sundo para sa mga may sakit o pupunta sa doktor para magpacheck-up.

Sa aspeto ng kabuhayan, patuloy na dumadami ang mga industriya at negosyong namumuhunan sa lungsod ng Taguig, mula BGC, ARCA South sa may FTI at Lakeshore development sa may C6. Nakakasa na ang economic hubs ng Taguig sa pamamagitan ng pagpapatayo ng Employment Center na expansion ng multi-awarded Public Employment Services Office (PESO) ng lungsod. Ngayong 2021 ay magbubukas na ito — isang 5-story building na magiging One-Stop Employment Center sa mga naghahanap ng trabaho at sa mga negosyanteng naghahanap ng magagaling na empleyado.

Ang MSME Office ay magbubukas din ngayong taon at layunin nitong tutukan at gabayan ang mga maliliit na negosyo at magbigay ng training at dagdag puhunan.

Kasama sa aspeto ng kabuhayan ay ang pagtulong sa sektor ng senior citizens at PWDs. Bukod sa pagpapalakas ng mga opisina patungkol sa pagtulong sakanila sa employment ay patuloy din ang tulong pinansyal. Sa Taguig, lahat ng 68,000 senior citizens na rehistrado ay nakakuha ng yearly cash gift: P3,000 para sa 60-69 years old, P4,000 para sa 70-79 years old, P5,000 para sa 80-89 years old, P10,000 para sa 90-99 years old at P100,000 para sa 100 years old. Ito ay bukod pa sa kahit anong national government pension o assistance.

Ang lahat din ng mahigit 10,000 na rehistradong PWDs ay may yearly cash allowance na P4,000. Ngayong pandemya, lahat ng senior citizens at PWDs ay may P5,000 financial assistance.

Ang edukasyon, kalusugan at kabuhayan ang tatlong importanteng aspeto kung saan makikita at masusukat ang pagmamahal ng gobyerno sa mamamayan.

Sa Taguig, ang mga katagang “I Love Taguig” ay hindi lang tagline o kasabihan ng mga mamamayan sa lungsod. I Love Taguig dahil “Taguig loves you.” Mahal natin ang ating lungsod dahil tayo rin ay niyayakap, inaalagan at minamahal nito.

Maligayang buwan ng pagmamahal!

Leave A Reply

Your email address will not be published.