Abante Tonite Interactive

Buwang na male personality muntik saksakin ng karelasyon

1,224

SA pakikipag-bonding ng ex ng isang kilalang male personality ay naikuwento nito ang kanyang mga pinagdaanang marahas at malulungkot na karanasan sa poder ng lalaking pesonalidad.

Malaking-malaki ang kanyang ipinagpapasalamat sa magandang pagpapalaki ng kanyang mga magulang, sa haba ng pasensiyang itinuro sa kanilang magkakapatid, dahil kung hindi du’n ay baka nakakulong na ngayon ang ex ng kilalang male personality.

Kuwento ng aming source, “Imagine, sa ganda at kinis niya na ‘yun, e, parang mga eksena pala ng pagpapahirap na napapanood lang natin sa pelikula at TV ang inabot niya sa mga kamay ng dati niyang karelasyon!

“Mabigat pala talaga ang mga kamay ng lalaki, hindi pa siya lasing nu’ng mga oras na ‘yun, ha, pero kung ipagwasiwasan pala niya ang girl, e, para lang siyang naghahagis ng unan sa kung saan!

“At ano ang dahilan ng pagwawala ng guy? Selos! Sobrang dudero siya! Maraming naglalarong kung anu-anong negativity sa utak niya!

“Hindi na nga umaalis ‘yung girl sa bahay nila, pero ganu’n pa rin siya, kung anu-anong kademonyohan ang naglalaro sa utak niya!” may paaksiyun-aksiyon pang kuwento ng impormante.

‘Yun ang dahilan kung bakit madalang lang kung dumalaw sa kanyang pamilya ang ex ng male personality. Nagkakaroon kasi ito ng bukol at mga pasa sa katawan dahil sa pananakit ng lalaking personalidad.

Patuloy ng aming source, “There was a time na nagdilim na ang isip nu’ng girl. Sobra kasi siyang ipinahiya nu’ng guy sa harap ng mga friends nila. Kinakaltukan siya sa ulo nang dahil lang sa napakasimpleng bagay.

“At sinabi pa ng karelasyon niya sa mga friends nila, ‘Maganda lang ‘yan, pero tanga!’ Parang hindi na kinaya ng girl ang ganu’ng panghihiya, kaya binalak niyang saksakin ang guy!

“Pero naisip niya, makukulong siya, kaya nagbago na lang siya ng isip. Lumayas na lang siya, nagpakalayu-layo, hindi na siya bumalik pa sa poder ng male personality na buwang kung tawagin nilang magkakaibigan.

“Pero kung titingnan mo lang ang lalaking ‘yun, e, parang hindi niya kayang manakit ng kahit ipis! Ang bait-bait ng itsura niya na kabaligtaran ng ugali niya, sa totoo lang!” pagtatapos ng aming source.

Haaay, nakakaloka, ganu’n pala katindi ang aktor na ‘yun?

Vice Kabogable Star na lang

SA isang umpukan ay pinagpistahan-ginawang laruan ang titulong kakambal ng pangalan ni Vice Ganda na The Unkabogable Star.

Paano na raw ngayon? Kinabog siya ni Aga Muhlach sa MMFF? Hindi na hawak ngayon ng sikat na komedyante-TV host ang titulo bilang topgrosser sa taunang pestibal?

Sabi ng isang miron sa umpukan, “Napakasimple lang ng problemang ‘yun! E, di instead na The Unkabogable Star, e, magiging Ang Kabogable Star na si Vice Ganda!

“May ipinagbago ba sa tunog ng titulo ni Vice, wala naman, di ba? Meaning lang ang nagbago, kasi nga, meron nang kumabog sa kanya, kaya hindi na niya dapat gamitin ang title na The Unkabogable Star!” seryosong reaksiyon ng source sa umpukan.

Ang Pinoy talaga, pagdating sa mga titulo, umaariba nang isandaang porsiyento o higit pa ang kalikutan ng utak.

***

DITO nagdiwang ng Pasko ang anak-anakan naming si Jojo Ocampo ng Isle Of Man, UK. Ilang taon na silang naninirahan-nagtatrabaho sa United Kingdom ng kanyang misis na si Christina at ng kanilang anak na si Joz.

Malapit lang sila sa Scotland at sa Liverpool, England na pinagmulan ng sikat na grupong The Beatles. Ang talagang mula sa Isle Of Man ay ang grupong Bee Gees.

Tumawid silang mag-asawa sa Liverpool para lang mapuntahan ang Cavern Pub, du’n tumugtog nang mahabang panahon ang The Beatles, hanggang sa tanghalin na ngang pinakasikat na grupo sa buong mundo ang tropa na binubuo nina Paul McCartney, John Lennon, George Harrison at Ringo Starr.

“Nanay, napakalaki ng Cavern, parang dungeon ‘yun, pero hanggang ngayon, talagang dinadayo sila ng mga turista. ‘Yun lang ang reason kung bakit kami nagpunta sa Liverpool, lumaki ako sa mga kanta ng The Beatles,” kuwento ni Jojo Ocampo.

Bilang isang matinding tagahanga ng grupo ay pangarap din naming marating ang Cavern Pub at ang sikat na Abbey Road na nasa London naman.

“Claim it! Magpunta ka sa amin sa Isle Of Man, itatawid ka namin ni Christina sa Liverpool,” pangako sa amin.

Tonite – Wendys Inhouse Ad