Abante Tonite Interactive

Buwena-mano ni Simmons, Fultz sa playoff nakabig ng Sixers

By
1,365

Walang partisipasyon sa laro si Joel Embiid maliban sa pagpapatunog ng miniature Liberty Bell bago ang Game 1 ng Philadelphia at Miami Sabado ng gabi.

Nakasuot ng white mask si Embiid para protektahan ang nabasag na buto sa gilid ng kaliwang mata, nasa sidelines lang ng Wells Fargo Center pero kumbinsido pa ring winasiwas ng Sixers ang Heat 130-103.

Pasado sina Ben Simmons, Markelle Fultz, Robert Covington at Dario Saric sa kanilang postseason debut.

Wala ring naisagot ang Heat kina veteran JJ Reddick at reserves Marco Belinelli at Ersan Ilyasova.

Mainit na inumpisahan ng Mia­mi ang laro, sa likod nina James Johnson at Kelly Olynyk ay humarabas sa 60-56 edge sa break.

Pagdating ng third, lumabas ang tunay na laro ng Sixers na nagdala sa kanila bilang No. 3 seed sa East at NBA record na 16 straight wins sa pagtatapos ng regular season.

Inumpisahan ng Philadelphia ang second half sa 13-3 run para agawin ang lead, napilitan si Mia­mi coach Erik Spoelstra na iupo si big man Hassan Whiteside para tapatan ang small-ball ni Brett Brown.

Sinubuan muna ni Simmons ng 3 si Ilyasova bago kumonekta ng sariling jumper. May isa pang assist si Simmons na nagresulta sa 3 ni Saric. Iniwan ni Simmons si Olynyk at nalibre sa two-handed slam.

“The atmosphere was ama­zing,” bulalas ni Simmons, tumapos ng 17 points, 14 assists at nine rebounds.

Si Reddick na 4 for 6 sa labas ng arc ay nagsumite ng 28 points, may 20 points at six rebounds si Saric, may pinagsamang 42 points sina super subs Belinelli at Ilyasova. (VE)