Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Buwis sa e-pusta, e-Sabong hakot ng P1.25B sa unang taon -Salceda

0 104

Ipinasa ng Kamara nakaraang Disyembre 15 ang House Bill 8065 (HB 8065) na magpapataw ng buwis sa mga ‘electronic’ na pustahan (e-pusta), lalo na sa sabong (e-sabong) na tinatayang maghahatid ng mga P1.25 bilyong buwis sa gobyerno sa unang taon pa lamang ng implementasyon nito o 90 beses ang laki sa P13.7 milyong buwis na kita ngayon mula sa mga sabungan sa buong bansa.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee chairman, na siyang pangunahing may akda ng HB 8065, ipinasa ito ng Kamara sa botong 215 aprub, isang kontra, at walang hindi bumoto. Kaagad itong ipadadala sa Senado para pag-aralan at pag-debatehan.

Ipinaliwanag ni Salceda na ang buwis sa ilalim ng HB 8065 ay ipapataw lamang sa mga pustahan sa labas ng mga pasugalan na lisensiyado ng mga pamahalaang lokal o LGU na ang kita ay sadyang kailangan upang mapondohan ang mga tugon laban sa Covid-19 pandemic, at mga hakbang upang makabangon ang bansa sa pagkakalugmok na dulot nito.

“Ang panukalang buwis ay ipapataw lamang sa mga gawaing hindi binubuwisan at hindi naman kailangan, gaya ng e-pustahan sa sugal at hindi ito makapagpapabigat sa ekonomiya. Sa pamamagitan nito, magiging lalong kapaki-pakinabang ang industriya ng sugal at higit itong masusubaybayan,” paliwanag ng mambabatas. Pinuna din niya na ang e-sabong pustahan ay hindi rin awtorisado ng mga ordinansa ng mga LGU.

“Bagama’t pambansang pagaari ang ‘airwaves,’ hindi maliwanag sa batas ang paggamit nito sa e-pustahan kaya hindi ito binubuwisan. Sa pamamagitan ng pagliliwanag nito sa ilalim ng HB 8065, kikita ang pamahalaan ng kailangan buwis (P1.25 bilyon) na hindi hamak na malaki kaysa P13.7 milyong koleksiyon ng BIR sa mga sabungan noong 2019,” giit ni Salceda.

SM food to go Banner Ad

Natutuwa at umaasa ang mga opisyal ng administrasiyon na hirap na sa pag-iisip kung saan kukuha ng pundo ang gubiyerno, na magiging batas ang HB 8065 at malaki ang maiaambag nito upang mapasigla muli ang ekonomiya na ang pagbulusok ay bumagal sa 11.5% sa ‘third quarter’ ngayong taon.

Sa ilalim ng panukala ni Salceda, 5% ang ipapataw na buwis sa kabuuang halaga ng e-pusta sa labas ng mga pasugalang lisensiyado ng mga LGU, na labas sa anumang buwis at iba pang binabayaran ng mga may-ari nito sa ilalim ng batas.

Mananatili din ang kapangyarihan at karapatan ng mga LGU sa mga dating kinukulekta nito, at nais na idagdag pa. Bunibigyan naman ng kapangyarihan ang BIR na i-accredit at suriin ang kwenta ng mga e-pustahan para sa akmang babayarang buwis. at ang mga kagamitan sa pasugalan.

Itinatalaga rin ng panukalang batas na sabihin ng mga may-ari ng mga pasugalan sa mga dokumento nila sa BIR ang kanilang mga “Offsite Betting Activities on Locally Licensed Games” o mga gawaing e-pustahan sa labas ng kanilang pasugalan upang akma at legal itong masubaybayan ng pamahalaan.

Ayon sa GAB, mga P50 Bilyon ang katumbas na taunang halaga ng industriya ng pasugalan sa bansa, at hindi mabisa ang kuleksiyon ng buwis ng mga LGU mula rito, dahilan kung bakit buo ang suporta ng Department of Finance, BIR at GAB sa panukalang batas ni Salceda.(Eralyn Prado)

Sent from Yahoo Mail for iPhone

Leave A Reply

Your email address will not be published.