Abante Tonite Interactive

‘Buwisit na ako, mga Pinoy ‘wag pahirapan’

569

Sa loob ng mahigit isang oras na talumpati sa kanyang ika-a­pat na State of the Nation Address (SONA) kahapon, inisa-isa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga nagawa sa loob ng tatlong taong panunungkulan at mga gagawin pa sa natitirang tatlong taon ng kanyang liderato.

“I will end my term fighting. It pains me to say that we have not learned our lessons. Drug problem persist, corruption continued. Still a long way in our fight against this social menace,” banat ng Pangulo sa simula ng kanyang talumpati.

Bahagyang na-late ang Pa­ngulo sa nakatakdang schedule nang kanyang pagdating sa Batasang Pambansa sakay ng helicopter dahil na rin sa malakas na buhos ng ulan sa bahagi ng Quezon City.

Eksakto alas-5:15 nang hapon nang mag-umpisa ang talumpati ang Pangulo kung saan nilitanya nito ang mga nagawa o accomplishment ng kanyang administrasyon.

Inamin niya na disappointed siya sa laganap na korapsyon sa gobyerno gaya ng nangyari sa PhilHealth na nasangkot sa mga ghost claim.
Binanggit ng Pangulo ang kanyang nilagdaang Ease of Doing Business and Efficient Service Delivery Act, isang batas na layuning mapabuti ang pagkakaloob ng serbisyo sa publiko at palakasin pa ang kampanya kontra korapsyon.

“However, much (has) to be done in ensuring our responsiveness to the people’s needs,” anang Pangulo.

Batay anya sa mga natatanggap na reklamo ng Contact Center ng Bayan na nasa ilalim ng kanyang tanggapan, natukoy ang Land Transportation Office (LTO), Social Security System (SSS), Bureau of Internal Re­venue (BIR), Land Registration Authority (LRA) at Pag-IBIG Fund na “top five agencies” na kinakailangang ayusin ang pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan.

Dahil dito, inatasan ng Pa­ngulo ang mga nabanggit na ahensya para pabilisin at simplehan lang ang kanilang sistema sa pagkakaloob ng serbisyo sa mga Pilipino.

“I reiterate my government—my directive to the government and instrumentalities, including the LGUs and the government corporations: simplify. May I…Nandito ba kayo? Simplify. Just like the others. You can do it electronically. You do not have to go to the office,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ng Panuglo na tatlong taon na niyang hinihingi ito sabay nagbabala sa mga ahensya na, “‘Pag hindi pa ninyo nagawa ‘yan ngayon, papatayin ko talaga kayo. Nabubwisit na ako”.

Inutos din niya na dagdagan ang Hotline 8888 pero apela nito sa publiko na tiyakin lamang na totoo ang kanilang mga sinusumbong.

“Be sure that it is true. Malacañang is open 24 hours,” sabi pa ni Duterte.
Gusto rin ng Pangulo na paik­liin ng hanggang tatlong araw ang pag-iisyu ng mga mayor’s permit at barangay clearance sa mga local government unit upang hindi mahirapan ang mga mamayan sa pagkuha nito.

Sinabi pa ng Pangulo na iuurong ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa 2022 kasabay ng pagtulak hinggil sa pagpapatibay ng Magna Carta for the Barangays.

Hiniling din nito ang aksiyon ng Kongreso para sa pagtatatag ng Department of Water Resources upang masolusyonan ang krisis sa tubig, Department of Disaster Resilience na tutugon sa epekto ng kalamidad at ang Department of Overseas Filipino Workers (OFWs) na sesentro sa pagtugon sa inte­rest at kalagayan ng mga Pinoy abroad. (Aileen/Prince Golez)