Abante Tonite Interactive

Buy-bust sa Cavite: Pulis sugatan, 2 suspek timbog

By
175

Sugatan ang isang pulis nang tumama ang kanyang ulo sa semento matapos na makipagbuno sa isang suspek sa droga na kanilang nasakote sa buy-bust operation sa General Mariano Alvarez, Cavite kamakalawa nang mada­ling-araw.

Pero nasa ligtas nang kalagayan umano si PO2 Jefferson Junio, miyembro ng General Mariano Alvarez Municipal Police Station, matapos malapatan ng lunas ang tinamong sugat sa ulo nito.

Naaresto naman ang suspek na si Jose John Tiomico alyas ‘Tey’, 30-anyos, at ang kinakasama nitong si Synthia Saut alyas ‘Synhia’, 43-anyos.

Sa ulat ni PO3 Jonarey Visca, dakong alas-2:30 nang madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa Brgy. Macario Dacon sa Gene­ral Mariano Alvarez.

Nagpanggap na bibili ng droga si PO2 Junio pero nang ares­tuhin si Tiomico ay pumalag ito at tumakbo kaya hinabol ng biktima hanggang sa nagpambuno sila. Hanggang sa naitulak umano ng suspek si PO2 Junio na nawalan ng balanse at tumama ang ulo sa semento.

Sa kabila nito ay nasakote pa rin ang suspek.

Naimpluwensiyahan din umano ng suspek sa kanyang bisyo ang kinakasamang si Saut na inaresto rin matapos mahulihan ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Kinasuhan ang da­lawa ng paglabag sa Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002.