Abante Tonite Interactive

C-Stand sinulot si June Mar sa BPC

382

Si Christian Standhardinger ang sorpresang tinanghal na Gatorade PBA Best Player of the Conference ng Governors Cup, laban kay June Mar Fajardo.

Sinikwat naman ni Allen Durham ang pangatlo niyang Best Import award.

Tapos ng apat na laro sa San Miguel Beer sa eliminations ng season-ending conference, pinamigay ng SMB si Standhardinger sa NorthPort.

Walang Robert Bolick (ACL), nakipagtulungan si Standhardinger kina Sean Anthony at Michael Qualls para ihabol sa playoffs ang Batang Pier bilang No. 8 team.

Itinumba ng NorthPort ang No. 1 NLEX sa quarterfinals, huli sa double overtime na lumusaw sa twice-to-beat edge ng Road Warriors. Sa larong ‘yun ay naglista si Standhardinger ng league record sa locals na 61 minutes.

Top pick ng San Miguel ang 6-foot-8 Fil-German noong 2017.

No. 3 sa stats race si Standhardinger (35.1 statistical points) sa likod nina Fajardo ng (38.8) ng San Miguel at CJ Perez (37.2) ng Columbian. Bumuntot kay C-Stand sina Kiefer Ravena (34.5) ng NLEX at Jayson Castro (31.6) ng TNT.

Sa top five, sina Standhardinger at Castro ang uma­bot sa semis.
Sa mga kandidato, si Standhardinger lang ang dumating sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

“I don’t think personal awards should give you inspiration to work harder,” pakli ni Standhrdinger tapos magpasalamat sa teammates at coaches.

“I think every player works as hard as he can to help his team. To put hinself and his teammates in a good position.”

Nakakuha si C-Stand ng 396 votes mula sa Stats, 433 sa Media, 32 sa Players­ at 150 mula sa PBA Office tungo sa 1,011 total. Malayo ang kabuntot niyang si Fajardo (657 total).

Binalikat naman ni Durham ang Meralco hanggang Finals laban sa suki niyang Ginebra at kay Justin Brownlee.

Ibinulsa ni AD ang ­unang dalawang Best Import awards noong 2016 at 2017 – mga taon na natimunan niya rin sa championship round ang Bolts pero parehong yumuko sa Gin Kings.

Runaway winner sa botohan Durham sa 1,170 (500 Stats, 420 Media, 100 Players, 150 PBA Office). Pangalawa si Brownlee (937). (VE)