Abante Tonite Interactive

CA Justice Gaerlan inakyat ni Digong sa SC

552

Itinalaga ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte si Court of Appeals (CA) Justice Samuel Gaerlan bilang bagong ma­histrado ng Supreme Court (SC).

Uupo si Gaerlan sa binakanteng puwesto ng ngayo’y Chief Justice Diosdado Peralta.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na si Gaerlan ay produkto ng San Beda College of Law kung saan nagtapos ng abogasya si Pangulong Duterte.

Sinabi ng kalihim na isa sa naging batayan nang pagpili ng Pangulo kay Gaerlan ang kakayahan at integridad nito sa kanyang trabaho at pagkatao.

Nagsimula si Gaerlan sa hudikatura bilang municipal trial judge sa La Union at naging regional trial court judge sa San Fernando City bago itinalaga sa Quezon City Regional Trial Court Branch 92 hanggang sa makarating sa CA.

Nagsilbi rin si Gaerlan sa Public Attorney’s Office.

Nanumpa siya kay Pangulong Duterte nitong Miyerkoles nang gabi. (Aileen Tali­ping/Prince Golez)