Abante Tonite
Mabilis sa Balita

CA: Mga babaero hindi puwedeng pakasal

0 48

Binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang naunang desisyon ng mababang hukuman at pinayagan na ipawalang bisa ang kasal ng isang misis sa kanyang mister na babaero.

Sa 11 pahinang desisyon ng CA 13th Division na may petsang Pebrero 8, 2021, binaligtad nito ang naunang hatol ng Malolos Regional Trial Court Branch 10 at idineklarang walang bisa ang kasal ng petisyuner na kinilala na lang sa pangalang Marilyn sa kanyang mister na si Gerry.

Base umano sa salaysay ni Marilyn, noong bago pa lamang ikasal sila ay nakitaan na niya ng pagiging babaero ang mister at nagagawa pang makipag-date sa ibang babae.

Nagkakilala umano sila noong Hunyo 1986 at nagpakasal matapos ang 11 buwan. Nakita niya sa kanilang kasal na may babaeng umiiyak at kalaunan ay nalaman niyang naging nobya ito ng kanyang mister.

Naghain ng annulment si Marilyn noong 2014 matapos malaman na may karelasyon ang mister at nagkaroon ng anak noong 2007.

May pagkakataon pa umano na nahuli niya ang mister na papalabas ng motel kasama ang isang babae kung saan ng komprontahin niya ito ay sinabihan pa siya ng mister na, “Bakit, masama bang tumikim ng bago? Eh kung ikaw lang ang lagi kong makakasama, nakakasawa ka rin no!”

SM food to go Banner Ad

Bukod sa naging malala ang pagiging lasenggero at pagka-abusado ng mister dahilan para maapektuhan ang kanilang tatlong anak.

Ikinonsidera naman ng CA ang findings ni Dr. Arnulfo Lopez, isang psychologist, na si Gerry ay mayroong Anti-Social Personality Disorder with Borderline Personality Disorder Features.

Sinabi ng CA na nakita ang psychological incapacity ni Gerry sa kanyang mga aksyon bago at pagkatapos ng kanilang kasal at pagkakaroon ng tatlong anak.

Malinaw na hindi umano kayang gampanan ni Gerry ang responsibilidad na suportahan ang kanyang pamilya. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.