Abante Tonite Interactive

Cabagnot humarurot, San Miguel tinabla ang Ginebra

KAMPAY!

By
1,112

Finals Game 3 sa Miyerkoles (Smart Araneta Coliseum)
7 pm – Ginebra vs. SMB

Tama ang Ginebra, labas-pangil na sumabak sa Game 2 ang San Miguel Beer.

Nagliliyab mula ope­ning tipoff ang Beermen, inilabas ang pormang defending champions para itakbo ang start-to-finish na 134-109 panalo Linggo nang gabi.

Sa harap ng 15,042 crowd sa Smart Araneta Coliseum, itinabla ng SMB sa tig-isang laro ang PBA Commissioner’s Cup Finals.

Nanambak din ang Gin Kings sa Game 1, 127-99.

Tuloy ang giyera sa Game 3 sa Miyerkoles sa Big Dome din.

Umabante ng 34-23 sa first quarter ang Beer, milya-milya na sa una­han 75-46 sa break.

Pinakamalaking iskor sa half ng PBA Finals sapul nang umiskor din ng 75 ang Ginebra sa second half ng dambuhalang 131-101 panalo kontra SMB sa Game 3 ng 2017 Philippine Cup championship series.

Namiyesta sa 3-point range si Alex Cabagnot, apat sa walong pinakawalan ang ipinasok at may 22 points na pagkatapos ng first two quarters para pangunahan ang limang Beermen na may 10 points na pataas.

May tig-13 pa sina Renaldo Balkman at Marcio Lassiter, 12 kay June Mar Fajardo at 10 kay Christian Standhardinger na nagpabuka sa bentahe ng SMB.

Tanging ang 11 ni Justin Brownlee lang ang nakasabay sa panig ng Gin Kings na 16 of 32 mula sa field sa first half. Sa parehong yugto ay 29 for 47 ang SMB.

Pagkatapos ng three, nasa unahan pa rin ang Beermen 99-79. Nagtangkang mag-rally ang Ginebra sa fourth pero hindi na rin nakalapit.