Abante Tonite Interactive

Caballo Island o Corregidor hinirit gawing quarantine area

201

Isang resolusyon ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para gawing quarantine area ng mga uuwing overseas Filipino worker (OFW) ga­ling China ang Caballo Island o ang Corregidor sa Manila Bay.

Isinulong ni Manila Rep. Manuel Lopez ang resolusyon matapos tutulan ng mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Capas, Tarlac na gamitin ang Athletes’ Village sa New Clark City, Pampanga bilang quarantine facility.

Sa kanyang resolusyon, nirekomenda ng mambabatas sa pamahalaan na magtayo ng quarantine facility alinman sa dalawang isla.

“Caballo Island or Corregidor Island is safer and more practical because they are isolated from the cities. We can better prevent the possibility of the nCoV spreading to nearby communities,” paliwanag ni Lopez, chairman ng House Committee on Metro Manila Development

Ayon pa sa kongresista, minsan na rin umanong ginamit ang Caballo Island bilang quarantine facility noong 2014 para sa mga miyembro ng Phi­lippine peacekeeping force matapos ang pananatili sa Liberia na tinamaan ng Ebola outbreak.

“It has already been proven as an effective site for quarantine before, so why not use it again now?” dagdag ng mambabatas. (Eralyn Prado)