Abante Tonite Interactive

Cabanatuan Water District nalugi ng P27M kay Villar

318

Mahigit P27 milyon ang nalugi sa water district ng Cabanatuan City, Nueva Ecija nang pumasok ang pamunuan nito sa isang joint venture agreement sa Prime Water Infrastructure Corp. ng mga Villar.

Ito ang nakasaad sa 2018 Audit Report ng Commission on Audit (COA) hinggil sa mga financial transaction at operasyon ng Cabanatuan City Water District (CCWD) mula nang pumasok ito sa joint venture agreement sa Prime Water.

Pinirmahan ang naturang kasunduan para sa loob ng 25 taon sa pagitan ng CCWD at Prime Water noong Enero 30, 2017 at ipinatupad ito noong Abril 1, 2017.

Abante Hiring – IT dep

Sa kanilang audit report, sinita ng COA ang financial performance ng CCWD noong 2018 kung saan nalugi ito ng P27,369,939.81 mula nang pumasok sa pamamahala nito ang Prime Water na taliwas sa governing principles ng NEDA Guidelines.

Dahil dito, nirekomenda ng COA sa Board of Directors at general manager ng CCWD na isailalim sa panibagong negosasyon at hingin sa Prime Water na madagdagan ang kanilang revenue share kada taon para matugunan ang pagbaba ng kita ng CCWD sa mga susunod na taon.

Maaari rin umanong pag-aralan muli ng CCWD para malaman kung dapat ba tapusin na lamang nito ang joint venture agreement sa Prime Water at ibalik sa CCWD ang pamamahala sa operasyon ng water district.

Bukod sa pagkalugi, pinuna rin ng COA ang kabiguan ng CCWD na ipa-remit sa Prime Water ang 2% franchise tax nito sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagkakahalaga ng P7,200,908.477. Labag aniya ito sa Section 119 ng Republic Act No. 8424 o Tax Reform Act of 1997.

Bukod sa hindi pagbabayad ng franchise tax sa BIR, sinabi ng COA na idinagdag ang 12% value-added tax sa inaprubahang singil sa tubig ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na paglabag sa Section 63 (f) ng Presidential Decree No. 198.

Sa ilalim ng PD 198, dineklara bilang national policy ang local operation and control ng mga water system at binigyan ng pahintulot ang pagbuo ng mga local water district.

Giniit ng COA na atasan ng general manager ng CCWD ang Prime Water para bayaran nito ang franchise tax at bigyan din ng kopya ang CCWD hinggil sa kanilang franchise tax payment ganundin ang monthly water sales receipts report para malaman kung tama ang computation at binabayaran nitong franchise tax.

Saad pa ng COA, obligahin ng Contract Monitoring Unit ng CCWD ang Prime Water na maningil alinsunod sa water rates na inaprubahan ng LWUA para mabawasan ang bigat na pinapasan sa VAT ng mga concessionaire.

“The District had a good financial performance and never incurred losses prior to entering into the JV. However, for CY 2017, during the initial operation which commenced on April 2, 2017, the District showed significant decrease in net income,” ayon sa COA.

Dagdag pa ng ahensya na lalo pang nakapagtala ng pagkalugi ang CCWD noong 2018 matapos isailalim ang ope­rasyon nito sa joint venture. (Eileen Mencias)