Abante Tonite Interactive

Cabiltes pinag-aaralan ang Davao habang lockdown

406

Walang tigil ang pamiminsala ng COVID-19 sa bansa kaya patuloy na ipinapatupad ang Enhance Community Quarantine sa Luzon, dahilan upang makansela ang lahat ng mga naka-iskedyul na sports activities.

Isa na rito ang Chooks-to-Go 3rd MPBL 2019-2020 South Division Finals series ng Basilan Jumbo Plastic at top seed Davao Occidental-Cocolife.

Pinagpaliban ang bakbakan ng Basilan at Davao Occidental dahil sa coronavirus disease pandemic daan para humaba pa ang preparasyon ng dalawang koponan sa kanilang do-or-die battle.

Sinasamantala ni Jumbo Plastic coach Jerson Cabiltes ang lockdown, patuloy na pinag-aaralan ang kanilang nakaraang laro.

“From time to time, I have been watching videos of our games, doing some scouting. Because of the quarantine period, I have more time to study our opponent,” saad niya kahapon.

Kinaldag ng Basilan ang Iloilo sa quarterfinals at Bacoor sa semifinaLS, habang tinaob nila ang Davao Occidental sa Game One 74-72.

Pero naitabla ng Davaoenos ang serye matapos angkinin ang 81-76 panalo sa Game 2.

Ilalarga sana ang Game Three noong March 14, pero kinansela ng liga para mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga players, coaching staffs at opisyal. (Elech Dawa)