Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Cable TV, channel nanganganib

0 971

Mahigit 1,000 cable TV operators sa buong bansa ang maaring magsara kung babawiin ng gobyerno ang batas na pinapayagan silang magpatuloy ng operasyon kahit walang prangkisa.

Kung mangyari iyon, mawawalan ng cable TV ang milyong-milyong Pilipino. Damay ang iba’t ibang local cable TV channels na mawawalan ng viewers gaya ng Pinoy Box Office, Cinema One, Myx, at The Tagalized Movie Channel, at K Movies Pinoy.

Damay ang mga artista at producer kung sakaling magkatotoo ito. Mawawalan din sila ng trabaho.

May lumabas kasing balita na nakikipag-usap umano ang National Telecommunications Commission kay Soliticor General Jose Calida tungkol sa nasabing batas.

Matatandaan sa nakaraang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN na pinagbantaan ni Rep. Rodante Marcoleta si NTC commissioner Cordoba na kakasuhan siya kung ipipilit pa rin niya ang Executive Order 205 na inisyu ng dating Pangulong Cory Aquino.

Kwinestyon din ni Marcoleta kung bakit hindi pa nagsasara ang SKYcable at tinanong ang NTC kung bakit wala pa itong aksyong laban sa kompanya matapos mapaso ang prangkisa nito noong Marso.

Sa isang TV interview, nagbabala si Philippine Cable Telecommunications Association (PCTA) president Joel Dabao na talo ang subscribers nila kung sakaling matuloy ang nasabing hakbang.

“Pag may mangyari sa SKYcable malamang mangyayari na rin sa aming lahat,” saad ni Dabao. “Yung kawawang subscriber namin na kinabitan namin ng internet na wala ng ibang choice kundi sa amin at kung walang mapapanood na channel kundi galing sa amin ay mawawalan ng balita at edukasyon sa panahon ngayon na napaka-kailangan po,” dagdag niya.

Ayon kay Dabao, imbes na prangkisa, permit kada lugar ang kanilang hinihingi sa National Telecommunications Commission.

Nitong weekend, naging usap-usapan at nag-viral sa social media ang mga clip ng isang Zoom meeting kabilang ang mga kongresistang kontra sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Sinabi ni Marcoleta na humihingi na umano si Cordoba ng payo mula kay Solicitor General Jose Calida tungkol sa nasabing hakbang laban sa SKYcable.

Matatandaang kinumpirma ni Cordoba sa House panel hearing ng ABS-CBN franchise na nag-ooperate ang cable TV operators dahil sa EO 205.

Leave A Reply

Your email address will not be published.