Abante Tonite Interactive

Cagayan, Bacolod umalerto sa Novel Coronavirus

282

Inilagay sa alert status ang international airport sa Lal-lo, Cagayan dahil na rin sa kumakalat na Novel Coronavirus mula sa Wuhan, China.

Ayon kay Renz Umayam, officer-in-charge ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng mga quarantine officer sa nasabing paliparan para matiyak na agad ma-isolate ang sinuman na makitaan ng mga senyales ng nasabing karamdaman.

Napag-alaman na madalas na mga Chinese national ang gumagamit sa nasabing paliparan kapag nagtutungo sa mga casino sa bayan ng Santa Ana at mga tourist spot sa Cagayan.

Samantala, nais naman ni Mayor Evelio Leonardia na bumuo ng isang komite para pamunuan ang paglatag ng mga kaukulang hakbang upang hindi makapasok sa Bacolod city ang Novel Coronavirus.

Noong Enero 22 ay ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ang isang resolusyon na humihi­ling sa City Health Office at sa City Disaster Risk Reduction Management Office para gumawa ng mga kaukulang hakbang matapos lumabas ang balitang may isang batang tinamaan ng Novel Coronavirus sa Cebu City.

Kaugnay nito, ipinahayag naman ng lokal na tanggapan ng Department of Health sa Western Visayas na walang dapat ikabahala ang Bacolod dahil wala pang iniulat na kaso ng Novel Coronavirus sa siyudad. (Allan Bergonia/Prince Golez)