Abante Tonite Interactive

Calida nabunyag ang ₱40M kontrata sa Luneta, Paco Park

By
2,581

Nabunyag ang diumano’y P40 milyong kontrata na napasakamay ng security agency na pag-aari ng pamilya ni Solicitor General Jose Calida para sa “security deal” sa Luneta at Paco Park.

Batay sa ulat, ang nasabing kontrata ay pinirmahan sa pagitan ng misis ni Calida na si Milagros O. Calida, chairperson at president ng Vigilant Investigative and Security Agency Inc. (VISAI) at Penelope Diaz Belmonte, ang executive director ng National Parks Development Committee (NPDC).

Ang NPDC ay attached agency ng Department of Tourism (DOT) na siyang namamahala sa Luneta at sa Paco Park.

Base sa website ng Office of the Solicitor General, tinukoy dito si Milagros bilang asawa ni Calida. Nakasaad din na si Calida ang dating chairman at president ng kanilang security agency at general counsel din ng Philippine Association of Detective and Protective Agency Operators, Inc.

Nakalkal din sa Linkedln na ang kanilang anak na si Atty. Mark Jorel ang vice president for operations and administration ng security agency mula pa noong 2017.

Batay sa ulat ng online news site Politiko, sa loob lamang ng 18 buwan ay nakapagpasok ang security agency ng pamilya ng multi-milyong kontrata sa NPDC.

Nagkakahalaga ng P10 milyon ang unang kontrata na pinirmahan noong Hun­yo 29, 2017 para sa loob ng anim na buwan simula Hulyo 1, 2017 hanggang Disyembre 31, 2017.

Nakasaad sa kontrata na nagkaroon ng bidding noong Hunyo 21, 2017 pero hindi naman ito mabuksan sa NPDC website.

Base sa kontrata, itinalaga ang VISAI para sa seguridad ng Luneta Park at ng opisina ng NPDC gayundin sa Paco Park.

Nabatid pa na noong Disyembre 27, 2017 ay inanunsyo ng NPDC ang bidding para sa security services nito sa taong 2018. Naghain ng bid ang VISAI na P29,244,670.62 at isa pang bidder, ang Maximum Security Services Corporation na mas mababa ang halaga o P29,664,935.52.

Pero noong Enero 28, 2018 ay idineklara ng NPDC Bids and Awards Committee sa inaprubahang resolusyon nito na ang VISAI ang nanalong bidder.